Sey ng experts... POSISYON SA PAGTULOG, MAY KINALAMAN SA PAGIGING MORNING PERSON


MARAMING indibidwal ang naniniwala na ang pagiging ‘morning person’ ay nakadepende sa nakasanayang lifestyle. Hmmm… medyo totoo naman ‘yun, pero, knows ba ninyo na ang posisyon sa pagtulog sa gabi ay may kinalaman dito? Weh, ‘di nga?
Sey ng experts, ang pagiging morning person ay nakadepende umano sa posisyon ng pagtulog.
Ito ay napag-alaman sa pag-aaral na isinagawa sa higit 1,000 kalahok na nasa edad 18 hanggang 77 kung saan sinuri ng mga researcher ang kanilang sleeping habits at lifestyle.
Sa pag-aaral, karamihan sa mga kalahok ay nagsabi na mas gusto nilang matulog nang nakatagilid dahil mas komportable sila sa posisyong ito.
Gayunman, 40 porsiyento sa mga kalahok na natutulog sa nabanggit na posisyon ang nagsabi na hindi sila nakatutulog nang maayos.
Bukod pa rito, hindi sila nakakukuha ng magandang kalidad ng tulog kung saan ito umano ang dahilan kung bakit nagpapatuloy sa pagtulog ang indibidwal hanggang sa tanghali.
Samantala, ilan sa mga kalahok ang nagsabi na nakakukuha sila ng magandang kalidad at kumpletong tulog sa tuwing sila ay nakatihaya, gayundin na maaga silang nagigising at nagiging produktibo sa buong araw.
Ayon sa mga eksperto, bukod sa posisyon ng pagtulog, nakaaapekto rin ang lifestyle ng indibidwal sa kalidad ng tulog na nakukuha ng mga ito.
Dahil dito, kung ikaw ay indibidwal na gustong maging morning person, ipinapayo ng mga eksperto na i-adjust ang iyong nakasanayang lifestyle, partikular ang sleeping habits, gayundin ang posisyon ng pagtulog sa gabi.
Wow! Ngayong alam na ninyo kung ano ang dapat baguhin para maging morning person, make sure na susubukan ninyo ito, ha?





Comments