GF nakaaway | BINATA NAGBIGTI

WINAKASAN ng 21-anyos na binata ang sariling buhay matapos makaalitan ang nobya sa Quezon City.
Nabatid mula kay Police Inspector Roldan Dapat ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD) ang pagkakakilanlan ng binata na si Darwin Rama Cortez, walang trabaho at naninirahan sa Bgy. Batasan Hills, ng nabanggit na lungsod.
Batay sa unang imbestigasyon ng pulisya, natagpuang nakabigti sa ikalawang palapag ng kanilang bahay si Cortez nang maabutan ng nobya nitong si Maria Angelica Arimado.
Bago ang insidente, alas-3:30 ng madaling-araw ng Sabado nang mag-away ang magnobyo kung saan inawat sila ng kapatid ni Cortez dahil sa ingay ng mga ito na nakabubulabog sa mga kapitbahay.
Matapos maawat, umakyat si Cortez sa ikalawang palapag habang naiwan sa unang palapag si Arimado at ang kapatid ng una.
Makalipas ang labinlimang minuto, nakarinig ng malakas na kalabog sa ikalawang palapag si Arimado kaya minabuti nito na tingnan ang sitwasyon ni Cortez na nadatnang nakabigti.
Agad isinugod sa East Avenue Medical Center si Cortez ngunit, namatay din ito matapos ang halos isang oras.





Comments