2 kulong sa droga at bala

DALAWANG hinihinalang sangkot sa iligal na droga ang arestado matapos magbenta ng bala ng baril sa pulis sa isinagawang buy-bust operation sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni District Special Operation Unit (DSOU) P/Lieutenant Melito Pabon ang mga suspek na sina Raymond Mirabel, 30, at Paulo Magalo, 18, kapwa ng Bgy. NBBN.
Ayon kay P/Cpl. Mark Jhovie Sales, alas-4:00 ng hapon nang isagawa ng pinagsanib-puwersa ng NPD-DSOU at Navotas Police sa pangunguna ni P/Col. Rolando Balasabas ang buy-bust operation sa pangunguna ni PLt. Pabon kontra sa mga suspek sa Market 3, Bgy. NBBN matapos ang natanggap na ulat ng pulisya hinggil sa iligal umanong pagbebenta ng mga ito ng mga bala ng baril.
Matapos iabot ng mga suspek ang 10 piraso ng bala ng cal. .40 sa undercover police na nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng P300 marked money, agad lumusob ang back-up na mga operatiba at inaresto sina Mirabel at Magalo.
Nang kapkapan, nakumpiska ang walong plastic sachets na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng hinihinalang shabu, dalawang sachets ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana at buy-bust money.





Comments