Malinaw ayon sa birthday... LALAKING NAKATAKDANG SUWERTEHIN SA PAGBABARKO
- BULGAR

- Mar 31, 2019
- 2 min read
Dear Maestro,
Tawagin na lang ninyo akong Sam, nag-a-apply ako ngayon sa barko, pero hindi pa ako tinatawagan ng agency ko at puro pangako lang ang nangyayari.
Kaya nais kong malaman kung matutuloy pa kaya ako?
‘Yung iba kong mga kasama ay nakakadalawang balik na, samantalang, ako ni isa ay hindi pa nakasasampa.
Ano ang dapat kong gawin, para suwertehin ako sa pagbabarko? August 10, 1992 ang birthday ko.
Umaasa,
Sam ng San Roque, Guagua, Pampanga
Dear Sam,
Madali lang para matuloy ka na sa pagbabarko, ang una mong gawin ay baguhin mo ang iyong lagda kung saan napansin mo ba ang huling stroke o ending ng iyong lagda na bukod sa magulo ay pababa pa?
Hindi maganda ang ipinahihiwatig ng ganyang pirma, sa halip, ang dapat mong gawin ay tapusin mo nang pataas sa direksiyong pakanan ang huling stroke o pinakapaa ng letrang “a” sa dulong bahagi ng iyong lagda. Sa ganyang paraan, kapag binago mo na ang iyong lagda, makikita at mararamdaman mo, kusa ng papabor sa iyo ang magagandang kapalaran na matagal mo ng inaasam-asam.
Samantala, ang birth date mong 10 o 1 (1+0=1) sa zodiac sign na Leo ay nagsasabing numerong uno o one talaga ang namamayani sa iyong personalidad, ibig sabihin, sa sandaling binago at pinaganda mo na ang iyong lagda, may mabunga at mabiyayang pangingibang-bansang itatala sa iyong kapalaran.
Ibig sabihin, dahil one (1) ang birth date mo at ang zodiac sign na Leo ay may ruling planet na Sun at one (1) rin ang kanyang numero, nangangahulugan lamang na ang lahat ng sadlakang pangyayari at kapalaran ng numerong one (1) ay talagang mangyayari sa iyong karanasan at kapalaran.
Kaya mula sa araw na ito, sa sandaling isinuot at ginamit mo ang mapalad na kulay para sa mga taong one (1) na kulay yellow o dilaw na siya ring kulay ng Haring Araw, tulad sa umagang kay ganda, magniningning na rin ng ubod ng liwanag ang iyong kapalaran.
Bukod sa pagsusuot ng kulay dilaw, secondary color mo naman ang berde habang silang mga numero na naiimpluwensiyahan ng planetang Moon na nagtataglay ng birth date o mga destiny number na 7, 16, 25, 2, 11, 20 at 29 ay mga nilalang na palaging magbibigay sa iyo ng dagdag pang suwerte at magagandang kapalaran.
Ibig sabihin, kapag ang Sun personality tulad mo ay nagkaroon ng ka-partner na Moon personality, tunay ngang habambuhay na hindi mawawalan ng liwanag at mga pagpapala ang inyong samahan.
Samantala, bukod sa mga taong may mga birth date at mga destiny number na 7, 16, 25, 2, 11, at 20, mapalad ka rin sa mga nilalang na nagtataglay ng zodiac signs na Aries, Sagittarius, Aquarius at kapwa mo Leo.
Sa sandaling sinunod mo ang mga simpleng rekomendasyong inilahad na sa itaas, tiyak ang magaganap, ngayong 2019, sa buwan ng Hulyo o kaya ay Agosto, sa edad mong 28 pataas, may mabunga at masaganang pagbabarkong itatala sa iyong karanasan.




Comments