Mag-ina binaril ng nakamotor

TODAS ang 49-anyos na ginang habang sugatan ang kanyang anak na lalaki makaraang barilin habang namimili kahapon ng madaling-araw sa Tondo, Manila.
Dead-on-the-spot si Merly Rabanera, vendor at presidente ng Avenida Compound Neighborhood Association, sanhi ng tama ng bala sa batok.
Ginagamot naman sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ang anak nitong si Christian, 19, sanhi ng tama ng bala sa likurang bahagi ng katawan.
Batay sa imbestigasyon ni PS/Sgt. Lester Evangelista, alas-2:00 ng madaling-araw nang mangyari ang krimen.
Sa impormasyong nakuha sa ilang nakasaksi, nagmakaawa pa umano si Christian sa gunman bago sila barilin habang yakap ang kanyang ina.
Hinala ng pulisya, si Merly lamang ang target ng suspek.
Nalaman na pagkabaril sa mag-ina ay nataranta ang suspek at hindi na nito nagawang makabalik sa kanyang motorsiklo na naiwan sa lugar nang tumakas.
Tinitingnang anggulo ng pulisya bilang motibo ng krimen ang pagiging presidente nito sa asosasyon kung saan ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay ay pag-aari ng PNB at kanyang ipinaglalaban.
Patuloy namang iniimbestigahan ang krimen.





Comments