FOLAYANG AT BELINGON, SA ONE CHAMPIONSHIP: NEW ERA


MANGUNGUNA sina ONE Lightweight world champion Eduard Folayang at ONE Bantamweight world champion Kevin Belingon ng Team Lakay sa mga Pilipinong sasabak sa Tokyo fight card ng ONE Championship na binansagang “A New Era,” ngayong Linggo ng 6 pm. Sa unang pagkakataon, sabay-sabay mapapanood ang isang ONE Championship event sa ABS-CBN S+A.
Gaganapin ang ONE Championship “A New Era,” ang unang ONE event sa Ryogoku Kokugikan stadium tampok ang apat na pagdepensa ng mga titulo nina Folayang, Belingon, ONE Middleweight champion Aung La N Sang, at reyna ng ONE Women’s Strawweight division na si Xiong Jing Nan.
Pamilyar na sina Folayang (21-6, 6 KOs) at Belingon (20-5, 8 KOs) sa mga makakalaban na pareho na nilang tinalo noon. Matagal na panahon ang hinintay ng mandirigmang binansagang “Landslide” sa muling paghaharap nila ng itinuturing na bayani ng Japan sa mixed martial arts na si Shinya “Tobikan Judan” Aoki (42-8, 26 submissions), na inagawan niya ng korona noon.
Samantala, makalalaban naman muli ni Belingon sa isang rematch si Bibiano “The Flash” Fernandes (22-4, 8 submissions), ang kinatatakutang submission artist mula Brazil na kanyang tinalo noong nakaraang taon. (MC)





Comments