Feeling scared dahil sa pananakot ng dating bf na ama ng anak

Dear Roma,
Ako si Cams, 21 years old. May anak na kami ng boyfriend ko, pero naghiwalay kami dahil ilang ulit ko na siyang nahuling gumagamit ng iligal na droga tuwing umuuwi ako galing sa trabaho. Dagdag pa rito, 4 years old na ang anak namin at natatakot akong kalakihan niyang nakikita ang kanyang ama na lulong sa droga. Natatakot din ako na baka dumating ang araw na saktan niya kami ng anak namin. Tuluyan na akong nakipaghiwalay sa kanya at isinama ko ang anak namin dahil hindi naman kami kasal. Palagi niya akong tinatakot na magpapakamatay siya kung hindi ako makikipagbalikan sa kanya. Tinatakot din niya ako na itatakas niya ang anak namin. Ano ang dapat kong gawin? — Cams
Cams,
Bilib ako sa iyo, iha, dahil mahirap talagang pakisamahan ang taong lulong sa masamang bisyo. Huwag kang magpadala sa mga pamba-blackmail na ginagawa sa iyo ng ex mo. Tama ang desisyon mo na iwanan siya dahil kung mahal ka talaga niya ay iiwan niya ang masamang bisyo niya. Huwag ka ring matakot sa sinasabi niyang kukunin niya sa iyo ang bata dahil nakasaad sa batas na sa ina mapupunta ang bata, lalo na kung wala pa ito sa wastong edad para magdesisyon. Makabubuti rin kung hihingi ka ng proteksiyon sa mga kinauukulan. Kaya mo ‘yan! God bless sa iyo at sa anak mo!





Comments