Local anti-jaywalking ordinance ng MMDA, lalong paiigtingin!

SA ngayon, marami pa rin sa atin ang kung saan-saan tumatawid, ‘yung tipong kahit kaliwa’t kanan na ang pedestrian lane, dagdag pa na may overpass, pero tumatawid pa rin kahit delikado at bawal.
Dahil sa kaugalian nating ito, marami tuloy ang naaaksidente at namamatay, kaya naman nakatutuwa na bibigyang-kapangyarihan na ng Metro Manila Council ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipatupad ang kanilang local anti-jaywalking ordinances.
Ibig sabihin, maaari nang hulihin ng MMDA anti-jaywalking enforcers ang mga jaywalker sa mga pangunahing lansangan, lungsod at bayan sa Maynila.
Ayon kay MMDA Chairman Danilo Lim, napagkasunduan nila ng konseho na isasailalim sa mga seminar ang mga MMDA personnel para pag-aralan ang mga lokal na ordinansa sa paghuli nila ng mga hindi gumagamit sa mga takdang tawiran.
Sa kasalukuyan, may sariling anti-jaywalking policy ang MMDA at ang mga mahuhuli ay may option na bayaran ang P500 multa o community service.
Kaya ang panawagan natin sa publiko, kung ayaw nating magmulta, sumunod tayo sa polisiya!
Bukod kasi sa kapakanan ng mga tumatawid ang nakasalalay dito, maging ang mga motorista na madalas madamay dahil sa kapabayaan ng mga tumatawid ay maaari rin nating maisalba.
Dagdag pa rito, kung hindi tayo makikiisa, hindi magiging maayos ang pagpapaigting ng ordinansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments