Dahil sa pag-iskandalo | 4 SANGKOT SA DROGA, KULONG

APAT na hinihinalang sangkot sa iligal na droga ang arestado matapos mag-iskandalo sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Caloocan Police Community Precinct (PCP) 2 Commander PCI Merben Bryan Lago ang mga naarestong suspek na sina Arnel Español, 23, ng Riverside, Navotas City, Eliniza Dizon, 45, Albert Gonzaga, 23, at Nikko Sapiante, 28, pawang ng Dagat-Dagatan, Bgy. 28.
Ayon kay PCI Lago, alas-11:10 ng gabi nang respondehan ng mga tauhan ng PCP-2 ang tawag hinggil sa nagaganap umanong alarm and scandal sa kahabaan ng Torcillo St. Landasca, Bgy. 28.
Pagdating sa naturang lugar, napansin ng mga pulis ang mga suspek na nag-aamok at gumagawa ng kaguluhan na naging dahilan upang arestuhin ang mga ito.
Nang kapkapan, nakumpiska sa mga suspek ang apat na plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu kaya sinampahan ang mga ito ng kasong paglabag sa RA 9165 at alarm and scandal sa piskalya ng Caloocan City.





Comments