34 SCHOOLS, AARANGKADA SA MARTIN SUMMER CUP
- BULGAR

- Mar 29, 2019
- 1 min read

KABUUANG 34 na eskuwelahan ang magpapakitang-gilas sa paglarga ng 25th Fr. Martin Cup Summer Tournament na magbubukas sa Abril 6 (Sabado) sa St. Placid gymnasium sa San Beda Manila campus sa Mendiola.
Ayon kay organizer Edmundo ‘Ato’ Badolato na magdedepensa ang San Beda Red Lions sa senior division laban sa 13 challengers. Tatangkain ng Red Lions na makabawi sa masaklap na kabiguan laban sa National University Bulldogs, 66-67, sa nakalipas na 15th Fr. Martin Collegiate Open finals. “This will be the longest running pre-season tournament that dates back to 1994,” pahayag ni Badolato sa kanyang pagbisita sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) kahapon sa National Press Club (NPC).
Katuwang ni Badolato, itinuturing na ‘winningest junior coach’ sa bansa, sa pagbuo ng Fr. Martin Cup sina Noel Ascue at Nic Jorge sa kapanahunan ng Basketball Association of the Philippines (BAP). Sinabi ni Badolato na may 14 na koponan sa pangunguna ng reigning titlist Adamson University ang sasalang sa junior division.
Sa women’s side, pangungunahan ng NU Lady Bulldogs ang limang koponan na sumagot sa hamon. “Again, hinihingi ko po ang suporta ninyo para sa tagumpay ng Fr. Martin Cup. Ito po ang kontribusyon namin sa grassroots sports development program,” sambit ni Badolato sa lingguhang sports forum na itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC). (MC)





Comments