top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

Miyembro at pensiyunado ng SSS, pinag-iingat sa mga online scammer at fixer

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 28, 2019
  • 3 min read

MAG-INGAT sa mga online scammer! ‘Yan ang paalala ng Social Security System (SSS) sa mga miyembro nito hinggil sa nangyayaring panloloko sa social media.

Ayon sa report na natanggap ng SSS, mayroong mga nagpapanggap na kawani nito sa social media na humihingi ng personal na impormasyon ng mga miyembro para i-update umano ang mga ito sa system ng ahensiya. Giit naman ng SSS, ang pag-a-update ng mga personal na impormasyon tulad ng pagtatama sa pangalan, araw ng kapanganakan at contact details ay hindi ginagawa sa ganitong paraan, sa madaling salita, ito ay panloloko.

Delikadong mapunta ang mga personal na impormasyon ng mga miyembro ng SSS sa mga scammer tulad ng nasabing paraan na kung tawagin ay online phishing. Maaaring gamitin ng scammers ang impormasyon ng mga miyembro sa maling paraan. Kaya ang paalala ng SSS, huwag makipagtransaksiyon sa mga gumagawa ng ganitong modus at huwag basta ibibigay ang mga personal na impormasyon, kaninuman.

Ayon sa SSS, ang tamang paraan para i-update ang personal na impormasyon ng mga miyembro nito ay sa pamamagitan ng: Una, sa pag-fill out ng Member Data Amendment Form at pagsumite nito saanmang SSS branch; pangalawa, sa pagbubukas ng kanilang account sa My.SSS sa sss.gov.ph, ang opisyal na website nito at panghuli, sa paggamit ng opisyal na SSS mobile application.

Kamakailan lamang, nakatanggap ng ulat ang SSS hinggil sa fixers na nananamantala sa member pensioners. Sa ulat, ang mga fixer umano ay umaasiste sa aplikante ng SSS Pension Loan Program (PLP) kapalit ng pagbabayad ng “servicing fee” sa halagang P2,500.

Sa iba pang ulat, inuudyok ng fixers na magpunta ang pensioners sa mga SSS branch upang i-claim ang kanilang karagdagang benepisyo. Pagdating sa branch, nalaman ng mga pensioner na ito pala ay pension loan application.

Saad ng SSS, ang mga prosesong ganito ay iligal. Ang aplikasyon sa PLP ay likas nang pinadali ng SSS para sa mga miyembro nito, bukod pa rito, maaaring lumapit ang aplikante sa mga empleyado ng SSS na maaaring tumulong sa kanila nang walang bayad.

Ani pa nito, ang PLP ay itinaguyod para magsilbing isa sa kanilang mga tulong-pinansiyal sa mga pensioner. Ikinalulungkot ng SSS na pinagsa­samantalahan pa ang mga nanga­ngailangan nito.

Agad namang inaksiyunan ng SSS ang nakababahalang isyu na ito. Ang mahuhuli at mapatutunayan na nanloloko o nananamantala ng mga miyembro nito ay pananagutin sa batas at maaaring maharap sa kasong sibil at kriminal.

Panawagan naman ng SSS sa mga miyembro nito, kung mayroong nais malaman o maintindihan tungkol sa mga programa ng SSS, lumapit at magtanong sa opisyal na mga sangay at online platform nito; kung mayroong pinaghihinalaang online scammer at inaalok ng fixer, mag-report.

Maaaring mag-report saanmang SSS branch o sa kanilang hotline sa (02) 920-6446 to 55 o sa email sa member_relations@sss.gov.ph.

◘◘◘

Nais nating ipaalam sa ating mga retiree pensioner na bukas ang Pension Loan Program ng SSS para sa inyong panandaliang pangangaila­ngang pampinansiyal. Samantala, ang Loan Restructuring Program naman ay bukas hanggang ika-1 ng Abril 2019. Sa LRP, pinagaan ang pagbabayad ng mga loan balance ng ating mga miyembro. Inaanyayahan natin ang ating mga pensiyunado o miyembro na nais mag-avail ng alinman sa dalawang programang ito na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.

Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page