Ulo, leeg, braso at kamay inilagay sa maleta, katawan, binti at paa sa washing machine | MISIS TSINA

BINALOT ng hilakbot ang mga residente na naninirahan sa isang subdibisyon sa Angeles City, Pampanga matapos madiskubre ang ‘chop-chop’ na katawan ng babae nitong Lunes ng gabi.
Mistulang kinatay na karne ng baboy ang hitsura ng pinagputul-putol na bahagi ng katawan na isinilid sa traveling bag at sa washing machine.
Ayon kay Lt. Col. Narwin Mangune, ang kaanak mismo ang nakakilala sa biktima na si Lindsey Avelino, 29-anyos.
Ang suspek na nasa likod ng karumal-dumal na krimen ay ang kinakasama ng biktima na si Eduardo Pasion.
Sinabi ni Mangune na si Pasion ay napatay ng kanyang mga tauhan nang manlaban ito habang siya ay takdang aarestuhin sa Purok 2, Barangay Amsic.
Bago mapatay si Pasion, inamin muna umano mismo nito ang krimen sa kanyang amo sa mismong warehouse na kanyang pinagtatrabahuhan.
Gayunman, lingid sa kaalaman ng suspek ay nagtungo ang amo nito sa himpilan ng pulisya upang ipagbigay-alam sa kanila ang krimen.
Sa follow-up operation ng mga awtoridad, nakita ang mga pinirasong katawan ng biktima, partikular ang ulo, leeg, braso at kamay sa isang itim na traveling bag habang ang katawan, binti at paa ay natagpuan naman sa loob ng washing machine na itinapon sa bakanteng lote ng subdibisyon ganap na alas-7:00 ng gabi.
Sinasabi sa report ng SOCO Team na sumuri sa lugar, pinaniniwalaang nangyari ang pag-chop-chop sa biktima madaling-araw ng Lunes.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang motibo sa brutal na pagpatay ay sa labis umanong pagseselos ng suspek dahil hinihinala nitong may lover ang kanyang kinakasama.
Narekober naman ng pulisya ang .9mm baril ng suspek na ginamit sa pakikipagbarilan sa mga awtoridad.
Dati na umanong naipakulong ng biktima ang suspek dahil sa ginagawang pambubugbog nito sa kanya.





Comments