Suweldong kinakailangang matatanggap ng magsasakang nagtatrabaho nang arawan
- BULGAR

- Mar 27, 2019
- 2 min read
Dear Chief Acosta,
Nagtatrabaho ako ng arawan sa iba’t ibang sakahan sa aming probinsiya. Ang ibinibigay nilang suweldo ay hindi pare-pareho dahil mayroong iba na ang ibinibigay na suweldo ay mas mababa pa sa minimum wage sa aming lugar. Ngayon, nais kong malaman kung ang mga magsasaka bang nag-aarawan ay hindi sakop ng minimum wage requirement na isinasaad ng ating batas? — Markus
Dear Markus,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinatalakay sa Section 26 ng Republic Act No. 7607 o An Act Providing A Magna Carta of Small Farmers. Nakasaad dito na:
“Sec. 26. Minimum Wage. — Rural workers including regular farm workers shall be entitled to wage levels prescribed by the Regional Tripartite Wages and Productivity Board pursuant to Republic Act Numbered Sixty-seven hundred and twenty-seven. Contract workers or seasonal farm workers shall also be entitled to minimum wages unless they receive higher wages under the terms of their contracts.” (Binigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, ang mga nagtatrabaho sa sakahan kahit pa arawan ang kanilang kontrata ay mayroong karapatang mabigyan ng sahod na hindi bababa sa pinakamababang requirement ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board. Maliban na lamang kung ang ibinibigay na sahod sa mga arawang magsasaka, ayon sa kanilang kontrata ay mas mataas sa minimum requirement ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board, hindi ito dapat mas mababa sa aprubadong wage rate para sa kanilang trabaho sa partikular na lugar.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sumangguni sa isang abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments