Puro tama ng bala sa katawan | MISIS NATAGPUANG PATAY

NATAGPUAN ang bangkay ng isang misis na may mga tama ng bala ng baril sa katawan sa Taguig City, Linggo ng gabi.
Kinilala ang biktima na si Ramhela Vicente, 34, may kinakasama ng Pateros, Metro Manila.
Ayon sa inisyal na ulat nina SPO3 Cornelio Diones, Jr., PO3s Randolph Dalogdog at Morced Lagensay, imbestigador ng Taguig City Police, natagpuan ang bangkay ng biktima sa Sitio Ulingan,Purok 3, C-6 Road, Bgy. New Lower Bicutan sa nasabing lungsod, alas-10:30 ng gabi.
Sa imbestigasyon, isang concerned citizen ang nagpaalam ng pangyayari kay Antonio Batasa, desk officer ng naturang barangay kaugnay ng pagkakatagpo sa bangkay ng babaeng nakasuot ng puting short pants, itim na t-shirt at may ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad namang nagsagawa ng technical investigation ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District sa pangunguna ni Chief Insp. Jayson Hermina.
Dinala ang labi ni Vicente sa Our Lady of Loreto Funeral Homes para isailalim sa awtopsiya.
Patuloy nang nangangalap ng impormasyon ang awtoridad para matukoy ang motibo at nasa likod ng pamamaslang sa biktima.





Comments