Holdaper ng jeep, patay sa pasaherong pulis

UTAS ang isang lalaki na nangholdap ng pampasaherong jeep nang mabaril ito ng naka-off duty na pulis na pasahero sa Cebu City.
Batay sa report ng pulisya, binabagtas ng jeepney ang kahabaan ng Bgy. Busay nang parahin ito ng suspek pagdating sa Magallanes Street.
Makalipas ang ilang sandali, inilabas ng hindi pa nakikilalang lalaki ang .22 revolver at nagdeklara ng holdap.
Kinuha nito ang gamit ng mga pasahero tulad ng alahas at cellphone.
Gayunman, lingid sa kaalaman ng suspek ay isa sa mga hinoholdap nitong mga pasahero ay pulis pala.
Bago pa bumaba ng jeep para tumakas ay nabaril na ang holdaper ni PO3 Nemesio Denopol na nakatalaga sa Parian Police Precinct.
Dead-on-arrival sa ospital ang lalaki na inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan nito.





Comments