9-BALL LINE-UP PLAYERS PA-SEAG KUMPLETO NA

KUMPLETO na ang 9-ball line-up ng Pilipinas sa 2019 Southeast Asian Games kung saan tatayong punong-abala ang bansa matapos na makuha nina Dennis “Robocop” Orcullo at Warren “The Warrior” Kiamco ang dalawang upuan sa koponan.
Sa isang qualifying tourney, nangibabaw si Orcullo sa winner’s bracket samantalang si Kiamco ang umangat sa one loss-side kaya nakuha ng dalawa ang karapatang magsuot ng Philippine tri-colors sa biennial event.
Hindi basta-basta ang sinagasaan ng dalawa patungo sa paghablot ng upuan sa national team. Nariyan din ang mga alamat na sina Francisco “Django” Bustamante at Efren “Bata” Reyes, 2018 world 9-Ball championships bridesmaid Carlo “The Black Tiger” Biado at two-time All Japan Open king Johann Chua.
Sariwa si Orcullo sa pagdaig kay Biado sa isang maigting na tatlong araw na duwelo sa palaruan ng Hustler sa Quezon City.
Nauna rito, swak sa pambansang koponan sa women’s side ang mga batikang sina Rubilen Amit at Chezka Centeno.
Sa nakalipas na mga edisyon ng SEAG, sa dalawa lang napupunta ang billiards gold bagamat noong 2015 at 2017, si Centeno ang nagkampeon habang si Amit ang nakapag-uwi ng runner-up honors.
Ang susunod na pupuntiryahin ng mga malulupit na manunumbok ng bansa ay ang dalawang upuan para sa larangan ng 10-Ball.
Samantala, naitakbo ni Alex “The Lion” Pagulayan ang korona ng 2019 Scotty Townsend Memorial sa larangan ng 9-Ball at ng One Pocket. Tila nagiging palaruan na ng dating world champion na tubong Isabela ang pagkopo ng dalawang korona sa torneo. Noong 2018 ay ganito rin ang naging resulta sa paligsahang ginaganap sa Los Angeles.





Comments