VENTURA NG DASMA, 2 GOLD NA SA STANDARD AT RAPID CHESS


ILAGAN, Isabela – Hinamig ng Dasmariñas City ang apat na gintong medalyang nakataya sa Standard chess event matapos silang pangunahan ni Gio Troy Ventura kahapon sa 2019 Philippine Sports Commission – Batang Pinoy, Luzon Qualifying Leg.
Dalawang gold medal na ang iniuwi ng 12-anyos na si Ventura nang maghari sa boys 12-under, unang nasilo ang ginto sa Rapid 12-under.
Kinalos ni Ventura si Eowyn Jullado ng Tayabas City sa 7th at final round na ginanap sa Xentro Mall, inirehistro ang 6 na puntos sa event na inorganisa ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni chairman William “Butch” Ramirez.
Ang ibang Dasmariñas woodpushers na humablot ng gold medal ay sina Michael Concio Jr. sa Standard Boys 15-under, wagi si Jerlyn Mae San Diego sa girls 15-under, habang nanaig si Daren Dela Cruz sa girls 12-under.
Inamin ng head coach ng Dasmariñas na si IM Roel Abelgas na puntirya nilang makuha ang lahat ng ginto sa standard dahil dito nakasentro ang kanilang ensayo. “Habol talaga namin na makuha ang lahat ng gold medal sa standard,” sabi ni Abelgas.
Mahigpit na pinag-aagawan ng dating overall champion ng Laguna Province at ang kasalukuyang national champion Baguio City ang korona sa huling araw ng mga sports event sa Ilagan Sports Complex.
Ilang oras bago magtapos ang ikatlo at huling leg ay isang ginto lang ang naghihiwalay sa pinakaunang itinanghal na kampeon nang sinimulan ang torneo noong 1999 edisyon sa Laguna na nakapagwagi ng 28-ginto, 30 pilak at 27 tanso habang mayroon ang Baguio City ng kabuuang 27 ginto, 31 pilak at 48 tanso.
Nakalikom ng gold medal ang Laguna Province sa athletics (3), karatedo (3), pencak silat (7), swimming (13) at taekwondo (2). Sumandig ang Baguio City sa archery (9), arnis (1), athletics (3), karatedo (10, pencak silat (3), taekwondo (10). Ang Quezon City ay wagi sa archery (1), dancesport (7), karatedo (5), pencak silat (1), swimming (3), at taekwondo (7). (ATD)





Comments