Kahit binawasan ang budget | 30TH SOUTHEAST ASIAN GAMES SA ‘PINAS, KASADO NA

SINIGURADO ng Philippine South East Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na handa na sila sa preparasyon para sa 30th Southeast Asian Games.
Ito ang pagtitiyak ni PHISGOC Chairman Alan Peter Cayetano sa mga atleta, sports community at maging kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa publiko.
Sa kabila aniya ng budget cut at iba’t ibang hamon na kinahaharap ng bansa sa pag-host ng 30th SEA Games, determinado ang PHISGOC para sa ikatatagumpay ng nasabing palaro.
Determinado sila dahil sa tiwala at responsibilidad na ibinigay ni Pangulong Duterte sa nakalipas na taon.
Nakahanda na rin aniya ang konstruksiyon ng bagong Clark City Sports Complex na gagamitin para sa 30th SEA Games na mabubuo na sa September 2019.
Patunay aniya ito sa commitment ng Duterte administration na mas mapalawig pa ang Philippine sports development upang makapag-produce ng mas maraming world-class athletes at ang pagho-host ng nasabing international sporting events sa mga susunod pang taon.
Sa pamamagitan ng representasyon ng SEA Games Federation Council, magkakaroon ang 30th SEA Games ng 56 iba’t ibang klaseng sports at 523 events para sa pagho-host ng Pilipinas na isang malaking kasaysayan para sa SEA Games.





Comments