PCUP, kasama nating sa pagsugpo ng mga professional squatter at squatting syndicate!


MARAMI sa ating mga kababayan ang gustong magkaroon ng sariling bahay at lupa para sa kanilang pamilya. Malaki ang ini-invest natin para masigurong may mauuwian tayo. Sa panahon ngayon, hindi natin maiiwasang may mga natutukso na bumili ng murang lupa at bahay na iniaalok sa atin kahit na may kalakip na panganib tulad ng isyu natin ngayong araw.
Tanong: Magandang araw, Sir Alvin! Gusto ko sanang itago ang aking pangalan para iwas-isyu sa lugar namin. Mayroon kaming problema, bumili kami ng rights sa isang relocation sa halagang P20, 000, sampu kaming nakabili nito. Noong may nagbahay-bahay sa aming lugar, nasabihan akong iligal daw ang pagbili namin ng units at maaari raw kaming mapaalis dito. Ano kaya ang puwede naming gawin?
Sagot
Mahalaga ang parte ng Presidential Commission for the Urban Poor o PCUP at kasamahan nating housing agencies para masugpo ang professional squatters at squatting syndicates. Ginagawa natin ito upang ang tunay na mahihirap at kuwalipikado ang makinabang sa palupa o pabahay ng gobyerno.
Ikinalulungkot naming ipaalam sa inyo na mahigpit na pinagbabawal ang pagbenta at pagbili ng mga unit sa resettlement site at socialized housing projects ayon sa nakasaad sa Section 14 ng Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act.
“No land for socialized housing, including improvement or rights thereon, shall be sold, alienated, conveyed or encumbered or leased by any beneficiary of this Program except to qualified Program beneficiaries as determined by the government agency concerned.
Should the beneficiary unlawfully sell, transfer, or otherwise dispose of his lot or nay right thereon, the transaction shall be null and void. He shall also lose his right to the land, forfeit the total amortization paid thereon, and shall be barred from the benefits under this Act for a period of ten (10) years from the date of violation.”
Kapag napag-alaman na ang nakatira ay hindi ang orihinal na benepisaryo, kung pinauupa man niya o ibinenta, maipawawalambisa o maka-cancel ang kanyang pagiging benepisaryo.
Ang ibang mapagsamantala, para sa inyong kaalaman ay tinatawag natin na professional squatter kung saan pinagkakakitaan nila ang mga kababayan nating gustong magkaroon ng bahay gamit ang kanilang unit at babalik ulit sila sa urban areas upang doon manirahan.
Kung kayo ay may ganitong klase ng problema, maaari kayong lumapit sa PCUP at tutulungan kayo ng ating area coordinators para maiayos ang inyong sitwasyon, lalo na at kayo ay maaaring nabiktima ng mga professional squatter at squatting syndicate.





Comments