Patungong Saudi Arabia | 3 MENOR-DE-EDAD NA OFWs, HINARANG SA NAIA

TATLONG babaeng OFWs na wala pa sa wastong edad para sa deployment patungong ibang bansa ang naharang ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa kabila ng babala ng pamahalaan laban sa illegal recruitment o human trafficking, patuloy pa rin ang deployment ng underage workers.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Port Operations Division Chief Grifton Medina, tatlong babaeng menor-de-edad ang hinarang noong Linggo sa NAIA habang ito ay naghihintay ng kanilang flight patungong Saudi Arabia.
Tumanggi si Medina na banggitin ang pangalan ng mga pasahero dahil ipinagbabawal sa Anti-Trafficking Law ang pagbubunyag sa pangalan ng mga biktima ng trafficking.
Aniya, ipinakita ng tatlong babae ang kanilang pasaporte na dinaya ang petsa ng kanilang kapanganakan.
Nasa kustodiya na ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ang tatlo para sa patuloy na imbestigasyon.
Gayunman, dalawa sa mga ito ang nagsabi na sila ay edad 24 at 25, pero nabatid na kapwa 22-anyos lamang habang ang isa ay nagsabing siya ay 22-anyos, ngunit, napag-alaman ng BI na ito ay 20-anyos lamang.
Base sa BI, pinapayagan lamang makaalis ng bansa ang isang OFW kung ito ay nasa edad na 23 na requirement ng Philippine Overseas Employment Administration.





Comments