Nakilala sa FB, nagpanggap na talent manager, estudyante ni-rape | “PASISIKATIN KITA”
- BULGAR

- Mar 22, 2019
- 1 min read

ISANG estudyanteng babae ang nabiktima ng pangmomolestiya at sextortion ng lalaking nagpanggap na talent scout.
Sa ikinasang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) Cybercrime Division, hinuli ang suspek na si RJ Villanueva, 21, sa isang motel sa Tondo kung saan makikipagkita sana ito sa biktimang si alyas Ghie.
Ayon sa biktima, pinilit siya ni Villanueva na makipagkita at makipagtalik kapalit ng hindi nito pagpapakalat ng mga umano’y maseselang larawan at video ng estudyante.
Aniya, nagsimula ang lahat nang makipag-chat sa kanya noong isang buwan si Villanueva gamit ang Facebook account na na-hacked.
Nagpakilala umano ang suspek na isang babaeng talent scout at nag-alok ng P8,000 para magsuot ng anime costume ang biktima.
“Tinanong ko siya kung kailangan niya ng pera, sabi ko gagawin ko siyang model. Pasisikatin ko siya,” pag-amin ni Villanueva.
Pagdating sa photo shoot, nagulat umano si ‘Ghie’ nang makitang lalaki pala ang kausap na talent scout subalit, nakumbinse rin ito.
Sa mismong shoot, napilit umano ni Villanueva si ‘Ghie’ na makipagtalik sa kanya.
Samantala, inamin ng suspek na wala siyang video ng biktima kundi gusto lang niya itong takutin.
Kaugnay nito, kulong si Villanueva sa kasong rape at grave coercion in relation to Cybercrime Law na posibleng makulong mula anim hanggang 12 taon. (BRT)





Comments