TAGUIG JINS, NAKA- 9 GOLD SA BATANG PINOY ISABELA
- BULGAR
- Mar 21, 2019
- 2 min read

IPINARAMDAM ng Taguig City ang kanilang lakas matapos sumungkit ng 9 na gold medal sa Day 3 ng Philippine Sports Commission-Batang Pinoy Luzon Qualifying Leg sa Ilagan City, Isabela.
Galing sa Karatedo ang siyam na gintong medalya na kinalawit ng Taguig City matapos manaig sina Alekssa Mei Pareja (12-13 girls intermediate kata), Keanu Neil Rodriguez (12-13 boys intermediate kata), Rochelle Dano (14-15 girls intermediate kata), Allysa Eunice Dinaglason (10-11 girls advance kata) at Fatima Aisha Hamsain (12-13 girls advance kata).
Kuminang din sina Ner Brian Galupo (12-13 boys advance kata), Drew Kirstein Tigalo (14-15 girls advance kata) at ang trio nina Alekssa Mei Pareja, Fatima Aisha Hamsain at Christina Karen Colonia (12-15 girls team kata) at Eljhon Lauresta, Ferdinand Forters, John Clyde Cubic sa (12-15 boys team kata) para kumpletuhin ang arangkada ng Taguig City sa second place sa medal tally.
Hindi naman nagpadaig ang Powerhouse Baguio City, sumikwat ng anim na ginto mula sa taekwondo at archery upang manatili sa unahan sa natipon na 13 ginto, 15 pilak at 21 tanso para sa 49 medalya.
Kumuha ng apat na gintong medalya ang Baguio City sa archery mula kina Jemuelle Espiritu sa boys bowman 20m individual event, Danielle Jasmin Espiritu sa girls cade individual 30 meter at dalawa kay Yuan Jucutan sa boys individual 20 meter at 30 meter.
Kumulimbat din ng gold medal si Raphael Jose Patting sa taekwondo Kyorugi Cadet Boys Featherweight at Magnus Carlus Garcia II sa Cadet Boys Featherweight sa event na inorganisa ng PSC.
Samantala ipinakita rin ni Palarong Pambansa gold medalist Lheslie De Lima ng Camarines Sur ang husay sa middle distance sa pagwawagi sa una nitong ginto sa athletics event sa girls 1,500m run.
Inirehistro ng 14-anyos na estudyante mula sa Baao National High School na si De Lima ang mabilis na 4:51.5 minuto para ungusan sina Magrylle Chrause Matchino ng Laguna sa 5:02.6 minuto at Samantha Nicole Cañeba ng Taguig City sa 5:02.9 minuto. Si De Lima ay produkto ng batang Pinoy. (ATD)
Comments