Malinaw ayon sa birthday... LALAKING NAKATAKDANG MAKATULUYAN ANG NILILIGAWAN LALO NA KUNG MAY PAGKA-
- BULGAR

- Mar 21, 2019
- 3 min read
Dear Maestro,
May nililigawan akong babae na tawagin na lang nating Eddielyn. November 2, 1993 ang birthday niya habang July 7, 1991 naman ang birthday ko.
Sa pagkakaalam ko sa mga natutunan ko sa inyo dahil matagal n’yo na akong tagasubaybay ay tugma kami ng babaeng nililigawan ko dahil siya ay Scorpio at ako naman ay Cancer kung saan ang mga zodiac sign na ito ay parehong may elementong tubig. Tama ba ako?
Gayundin, ang birth date naming 2 at 7 sa Numerology ay tugma rin. Ang problema, bukod sa akin ay may nanliligaw pa sa kanya na Virgo na may birth date na September 7.
Ibig sabihin, pareho kaming 7, kaya tugma rin sila ni Eddielyn? Ang isa pang napansin ko ay sobrang malapit din sila ng lalaking ito kaya medyo nagseselos at kinakabahan ako na baka siya ang magustuhan ni Eddielyn sa halip na ako.
Ano ang dapat kong gawin? Sino kaya sa amin ni Mr. Virgo ang sasagutin o magiging boyfriend ni Eddielyn? Sana matulungan ninyo ako o magbigyan ng tips para hindi ako maunahan ng karibal ko kay Eddielyn.
Umaasa,
Art ng Santa Cruz, Guiguinto, Bulacan
Dear Art,
Tama ka, medyo ka-compatible ng babaeng nililigawan mo na may zodiac sign na Scorpio sa birth date na 2 ‘yung lalaking karibal mo na may zodiac sign na Virgo sa birth date na 7 na nagkataong pareho kayong may birth date na 7.
Oo, medyo tugma nga ang babaeng nililigawan mo na Scorpio at ang iyong karibal na Virgo kung saan ang taglay na numero at ang water type sign na Scorpio ay minsang tugma rin sa earth type sign na Virgo.
Habang, ikaw naman ay may zodiac sign na Cancer sa birth date na 7 kung saan masasabing magkakatugma nga kayong tatlo.
Pero, siyempre, dapat alam mo ang “basic rule” sa panliligaw kung saan ang basic rule sa panliligaw ay “kung sino ang mas buo ang loob, siya ang mas magtatagumpay”. Kumbaga, hindi lang sa pisikal na anyo ng lalaki ang panliligaw kundi pahusayan din ito ng tindig at angas.
‘Ika nga ni Kuya Manoling, nang magkakuwentuhan kami noong panahon ng aking kabataan at nililigawan ko pa si Winnie my love, palagi niyang ibinibilin sa akin: “Honorio, tandaan mong, sa taong buo ang loob ang tagumpay at ligaya ay lubos”!
Ganu’n ‘yun! Kailangang buo ang loob mo sa panliligaw at hindi lang sa panliligaw kundi sa lahat ng bagay upang hindi ka maagrabiyado o maisahan ng karibal mo.
Pero, anu’t anuman ang kalabasan ng inyong kumpetisyon ng karibal mo, isa lang ang tiyak, kung ang nililigawan ninyong babae na may birthday na November 2, 1993 ay medyo maliit na babae, maputi, mabilis lumakad, may pagkaseryoso, maliit ang sulat-kamay at palaging late dumating sa mga lakad, huwag ka nang umasa, mas magugustuhan niya ang karibal mong isinilang sa zodiac sign na Virgo.
Subalit, kung ang nililigawan ninyo ay nangungusap ang dibdib, palabiro, kuwelang kasama, palaging nakangiti, bungisngis, maganda ang labi, on time dumating kung may mga lakad kayo, mahilig sa pagpapaganda, may pagka-chubby, mahilig sa mga lakad o pamamasyal, tiyak ang magaganap, ikaw ang magugustuhan niya at siguradong ngayong 2019, sa buwan ng Setyembre o kaya ay Oktubre, sasagutin ka na niya upang sa panahong ‘yun habang lumalapit ang masayang pagdiriwang ng kapaskuhan, walang duda, sabay kayong magsisimba habang naghaharutan at nagtatawanan sa dilim, magkahawak-kamay kayong nakikinig sa misa.
Ganu’n ang palaging magiging pattern ng inyong relasyon. Matamis, maharot, nagbibiruan at palaging kuwelang magkasama hanggang sa kayo na nga ang magkakatuluyan at magsasama sa pagbuo ng masaya at panghabambuhay na relasyon kung saan bibiyayaan kayo ng unang anak na babaeng sanggol na kukumpleto sa pagmamahalan ninyong dalawa, gayundin ng kaligayahan sa itatayo ninyong masaya at panghabambuhay na pamilya.



Comments