top of page
BULGARY - SEN. ROBIN, MAY P150 M AMBAG SA PHIL. FILM HERITAGE, BUILDING ‘DI PA RIN NATAPOS

4 Chinese tiklo sa P1.1 bilyong droga

  • Gina Pleñago
  • Mar 21, 2019
  • 1 min read

NAKUMPISKA mula sa apat na Chinese nationals ang 166 kilos ng shabu na nagkakahalagang P1.1 bilyon sa pagsalakay ng Philippine Drug Enforcement Agency at Muntinlupa City Police sa dalawang magkahiwalay na lugar sa Lungsod ng Muntinlupa.

Kinilala ni PDEA Director General Aaron Aquino ang mga suspek na sina Go Kei Kei, 46; Chua Kian Kok, 43; Li Zhao Yang, 19, at Emmanuel Pascual, 79, pawang mga Chinese, ng Ayala Alabang Village, Bgy. Alabang.

Unang nagsagawa ng buy-bust operation sa parking area ng Alabang Tower Center alas-6:30 ng gabi.

Nagpanggap na poseur- buyer ang isa sa mga tauhan ng pulisya na bumili ng shabu sa mga suspek sa halagang P2,100,000, na nahuli sa tatlo at nakuha sa kanila ang 40 kilos ng shabu.

Agad nagsagawa ng follow-up operation sa isang bahay sa Apitong St., Ayala, Alabang at nakuha rito ang mahigit 100 kilos ng hinihinalang shabu sa naiwang bantay na si Yang.

Ang naturang bahay ay ginagawang imbakan ng droga na handa na sanang ideliber. Naka-vacum packed na ito sa pambalot ng tsaa at nakalagay sa mga lata ng biscuit.

Inuupahan lamang ng mga suspek ang naturang bahay at palipat -lipat ang mga ito para hindi matunton ng mga awtoridad. Posibleng miyembro ng Golden Triangle ang mga suspek, sindikato ng droga na nakabase sa Mainland China.

Mariin namang itinanggi ng senior citizen na si Pascual ang pagkakasangkot, kinuha lang umano siyang interpreter sa tatlong dayuhan nahuli.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page