Pinatuyong endangered species, nasamsam

NAHAHARAP sa kasong paglabag sa Fisheries Code at Philippine Wildlife Act, ang isang Chinese national matapos makumpiska ng mga ahente ng National Bureau of Investigation-Environmental Crime Division at tauhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang daan-daang pinatuyong seahorses at bird’s nest sa isinagawang entrapment operation kamakalawa ng hapon sa Binondo, Manila.
Kinilala ang may-ari ng drug store na si Ki Yung Wong na sinalakay ng mga ahente ng NBI at BFAR sa Salazar St., Binondo.
Nasamsam ng NBI ang mga pinatuyong seahorse na ibinebenta ng P60,000 kada kilo habang ang mga dinurog na seahorse ay ini-export sa ibang bahagi ng Asia na pinaniniwalaang sex enhancer at nakapagpapabata.
Ayon kay Ohjee Cabilogan, technical staff ng BFAR, paubos na ang populasyon ng mga seahorse at darating ang panahon ay mawawala na ang produksiyon nito.
Ang seahorse ay ipinanggagamot umano sa asthma at ubo.
Habang ang bird's nest na nakuha sa Chinese drug store ay ibinebenta ng P17,000-P45,000 kada container kung saan ang mga ito ay ikinokonsiderang “protected species”.
Ayon kay Dr. Steven Toleda ng DENR Biodiversity Management Bureau, ito ay inihahalo sa soup at ang pagkuha nito ay kailangang may permit mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Naaresto rin ng NBI ang negosyanteng si Elizabeth Rivera, may-ari ng fruit at plant stand sa Binondo dahil sa pagbebenta ng golden chicken fern na galing sa Cordillera Region at ikinokonsidera rin itong endangered at ipinagbabawal ang pagbebenta nito at ginagamit na ointment para sa sugat.
Umapela naman si Atty. Eric Nuqui, chief ng NBI-Environmental Crimes Division sa publiko na huwag tangkilikin ang endangered species.





Comments