Magkasunod na pagbagsak ng Boeing 737 MAX, nakababahala!

SUNUD-SUNOD ang pagkilos ng mga airline na hindi na muna payagang lumipad ang kani-kanilang Boeing 737 MAX 8 na eroplano, matapos bumagsak ang dalawa nito sa nakaraang limang buwan habang ang isa ay napilitang lumapag matapos magkaroon ng problema ang makina nito. Mahigit 300 pasahero at tauhan ng eroplano ang namatay sa dalawang pagbagsak. Iniimbestigahan ngayon ng mga opisyal kung ano ang sanhi ng pagbagsak at kung mayroong kaugnayan ang dalawang aksidente.
Batay sa website ng dalawang pangunahing airlines sa bansa, hindi sila gumagamit ng Boeing 737 MAX. Ito ang una nating tiningnan, kung gumagamit din sila ng naturang eroplano. Matagal nang panahon ang lumipas nang magkaroon ng ganitong sitwasyon kung saan isang uri ng eroplano ang hindi pinayagang paliparin dahil sa magkasunod na pagbagsak. Sa panahon ngayon ng modernong teknolohiya, mahirap isipin na may ganito pang mangyayari. Sa dalawang aksidente, may teknolohiya ang nasabing eroplano na sinisiyasat nang mabuti ng mga imbestigador. Sa kasaysayan ng industriya ng pampasaherong eroplano, ang kaligtasan ng ganitong uri ng pagbiyahe ay dahil sa mga natutunan natin sa mga nagaganap na aksidente. Sana ay ganito rin ang maging resulta ng imbestigasyon.
◘◘◘
Nahuli na ba ang mga nasa likod ng kasuklam-suklam na pagpatay kay Christine Lee Silawan? Ayon sa ulat, isang 17-anyos na lalaki ang itinuturing na pangunahing suspek sa krimen. Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek. Sinampahan na rin ito ng kaso batay sa mga ebidensiyang nakuha sa pag-uusap sa Facebook at pahayag ng ilang testigo na siya ang huling nakitang kasama ni Christine.
Ang pangunahing suspek ay 17-anyos, napakahirap isipin na ganito ang kayang gawin ng suspek sa mura niyang edad. Sigurado ang tanong ng marami ay kung lulong sa iligal na droga ang suspek. Malakas na naman ang panawagan na ibalik ang parusang kamatayan para sa mga krimeng tulad nito. Dapat malaman kung mag-isa ang suspek o may mga kasama sa krimen. Sana ay magbunga ang imbestigasyon sa krimeng ito.





Comments