Kaalaman tungkol sa diabetic retinopathy
- BULGAR

- Mar 20, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Mayroong diabetes ang mister ko. Napakatigas ng ulo nito at hindi nakokontrol ang asukal sa kanyang dugo. Palagi itong mataas kaya lumalabo na ang kanyang paningin. Ang sabi raw ng kanyang doktor, mayroon siyang diabetes retinopathy at posible pa itong lumala kapag mas tumaas pa ang kanyang asukal sa dugo. Ano ba ang diabetes retinopathy, kaya pa ba itong gamutin? — Mrs. Garcia
Sagot
Ang retina ay lining sa likod ng mga mata na sensitibo sa ilaw. Kapag tumingin tayo sa isang bagay, ang light rays galing dito ay daraan sa cornea ng mga mata, lulusot sa lens para ma-focus ito sa retina. Galing sa retina, ipadadala nito ang impormasyon sa pamamagitan ng optic nerve papunta sa utak para maintindihan natin kung ano ang ating nakikita.
Ang diabetic retinopathy — ito ay kumplikasyon ng diabetes sa mga mata. Sinisira ng diabetes ang mga ugat ng retina kaya lumalabo ang paningin hanggang sa mabulag. Minsan, may nakikita ring floaters o mga itim na spot na lumulutang-lutang sa paningin.
Mayroong dalawang klase ng diabetic retinopathy:
Non-proliferative diabetic retinopathy — ang mga ugat sa retina ay numinipis at nagkakaroon ng micro aneurysms o paglobo ng dingding ng mga ugat.
Proliferative diabetic retinopathy — ito ang mas malalang klase ng retinopathy. Sa sobrang pagkabara ng mga ugat sa retina ay nagkakaroon ng mga bagong maliliit na ugat. Puwedeng pumutok ang mga maliliit na ugat at kapag dumugo ito ay nakakakita na ng floaters o maliliit na spots sa paningin. Nagkakaroon ng peklat ang retina dahil sa mga baradong ugat at nahihila nito ang retina kaya umaangat ito sa pagkadikit sa likod ng mga mata. Ito ang tinatawag na retinal detachment at puwedeng mabulag dahil dito. Puwede ring magkaroon ng glaucoma o mataas na presyon sa mga mata kung ang mga bagong ugat ay humaharang sa pag-ikot ng tubig sa loob ng mga mata.
Ang mga ophthalmologist ay maaaring magrekomenda ng mga sumusunod:
Focal laser treatment o photocoagulation — sinusunog ng laser ang mga dugo na tumatagas sa mga maninipis na ugat ng retina.
Scatter laser treatment o pan retinal photocoagulation — ang laser ay itinutuon sa buong retina para sunugin ang mga maliliit na bagong ugat upang matanggal ang mga ito. Ilang sessions ang kailangan para ma-laser ang buong retina.
Vitrectomy — ang eyeball ay may clear gel sa loob nito na tinatawag na vitreous humor. Dito tumatagas ang dugo kapag may pumutok na ugat sa mata. Ang vitrectomy ay operasyon na kailangan ng local o general anesthesia kung saan tinatanggal ang dugo sa vitreous humor.
Gayunman, makabubuti kung magpatingin sa ophthalmologist ang mayroong Type 2 diabetes sa unang pagkakataon na nalamang may diabetes at kada taon pagkatapos nito. Ang mga mayroong Type 1 diabetes naman ay dapat ding magpatingin ng kanyang retina sa loob ng limang taon pagkatapos ma-diagnosed na mayroong diabetes.





Comments