Alamin mula kay Señor... KAHALAGAHAN NG MGA RITWAL NGAYONG TAG-ARAW
- BULGAR
- Mar 20, 2019
- 2 min read
Bigyang-daan natin ngayon ang tungkol sa tinatawag na Oratio Emperata na mabisang dasal na isinasagawa kapag tagtuyot o matindi ang sikat ng araw.
Noong nakaraan ay ibinahagi natin ang English version ng Oratio Emperata at dahil hindi naman lahat ng Pilipino ay English speaking o nagsasalita ng wikang Ingles, ngayon ay ibabahagi natin ang Tagalog version nito.
“ Oratio Emperata: Tagalog version”
“Ama naming mapagmahal na lumikha ng sangkalupaan at sanlibutan at ng mga kahanga-hangang kalikasan na dinadaluyan ng buhay ng iyong mga nilikha. Mapagkumbaba kaming sumasamong ipagkaloob Mo ang biyaya ng ulan na siyang matinding pangangailangan ng aming bansa ngayon upang tubigan ang aming mga bukid at mga nanunuyong lupa, mapigil ang mapipintong krisis sa kuryente at patirin ang aming mga uhaw.
Sa hudyat ng salita Mo’y sumusunod ang hangin at dagat, iunat Mo ang iyong mapagpalang kamay upang mapasimulan na ang naudlot na pangkaraniwang panahon ng tag-ulan at upang maiwasan ang napipintong krisis.”
“Diyos naming maawaain at mapagbigay, imulat Mo ang aming mga mata sa kayamanan at kagandahan ng Iyong mga nilikha at hubugin Mo kaming maging mapagmalasakit para sa kalikasan. Turuan Mo kaming maging magpagkakatiwalaang tagapangalaga ng Iyong nilikha upang mapakinabangan namin ito ng may pananagutan at mapangalagaan ito laban sa pang-aabuso at panlulustay. Ngayong panahon ng krisis, mahal naming Panginoon, himukin Mo kaming lalo pang magbahagi, maglingkod at magmahal.”
“Mapagmahal na Diyos, Ama ng aming Panginoong HesuKristo, ipinagkatiwala Mo ang bayang Pilipino sa maka-inang pagkalinga ng Mahal na Birheng Maria, dinggin Mo ang mga panalangin ipinamimintuho namin sa Kanya para sa pagtataguyod niya sa amin, ang bayan labis Niyang minamahal.”
“Hinihiling namin ito sa pamamagitan ng aming Panginoong HesuKristo na nabubuhay at naghahari kasama Mo at ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.”
Ang makapangyarihang dasal na ito para sa ulan ay idinarasal habang nagpuprusisyon ang mamamayan. Sa kanayunan o sa mga probinsiya, ito ay pangkaraniwang isinasagawa kapag hindi umuulan at ang mga pananim ay natutuyot.
Gayundin, sa panahon kung saan ang mga bukal o balon ng tubig mula sa ilalim ng lupa ay nawawala kabilang ang falls o talon na pinagkukunan ng tubig sa mga malalayong probinsiya.
Marami ng nagpatunay na ang Oratio Emperata ay nagbibigay ng ulan at tumutulong sa mga tao para ang tubig ay bumalik.
Idinarasal din ito ng personal o ng hindi sabayang pagdarasal, kaya ang bawat isa ay hinihikayat na magdasal ng Oratio Emperata.
(Itutuloy)
留言