Pagpapastol ng hayop sa "forestland"

Dear Chief Acosta,
Marami kaming alagang hayop tulad ng baka, kambing at kalabaw. Ang mga ito ay aming pinasasabsab at pinakakain malapit sa forestland sapagkat malapit dito ang aming tahanan. May nakapagsabi sa amin na bawal daw ang ginagawa namin dahil pinoprotektahan ng gobyerno ang nasabing forestland. Totoo ba ito? — King
Dear King,
Para sa inyong kaalaman, ang batas na nakasasaklaw sa inyong katanungan ay ang Presidential Decree (PD) No. 705 o mas kilala sa tawag na “Revised Forestry Code”. Nakasaad sa Section 70 nito na:
“Section 70. Pasturing Livestock. Imprisonment for not less than six (6) months nor more than two (2) years and a fine equal to ten (10) times the regular rentals due, in addition to the confiscation of such livestock and all improvement introduced in the area in favor of the government, shall be imposed upon any person, who shall, without authority under a lease or permit, graze or cause to graze livestock in forest lands, grazing lands and alienable and disposable lands which have not as yet been disposed of in accordance with the Public Land Act; x x x”
Ayon sa nasabing batas, ang sinumang gagawing pastulan ng mga hayop ang forestlands, grazing lands at alienable and disposable lands na hindi pa naideklara, nailipat o na-dispose ng gobyerno alisunod sa Public Land Act nang walang kaukulang authority sa ilalim ng lease o permit ay maparurusahan ng pagkakakulong na hindi bababa sa anim (6) buwan at hindi hihigit sa dalawang (2) taon. Maaari ring magmulta ng kapantay ng sampung (10) beses na halaga ng regular na renta para rito bukod pa sa pagkumpiska sa mga alagang hayop at improvement na nagawa na sa lupa.
Nawa ay nasagot namin ang inyong katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa patuloy ninyong pagtitiwala.





Comments