Paggamit ng husto at tama sa budget sa sektor ng edukasyon, gawin!

TULAD ng sinabi ng dating pangulo ng South Africa na si Nelson Mandela, ang edukasyon ay ang pinakamakapangyarihang armas na magagamit upang baguhin ang mundo.
Dahil dito ay itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pinakamalaking parte ng budget para sa sektor ng edukasyon kaya naman dapat lamang na magamit ito nang tama at husto sa lahat ng posibleng pamamaraan sang-ayon sa pangunahing pangangailangan ng mga paaralan, lalo na ng kabataan.
Ang Special Education Fund (SEF) ng Local Government Units (LGUs) ay kabilang sa mga pinagmumulan ng pondo para sa mga humihiling ng suportang pampinansiyal na natatanggap ng LGUs mula sa mga paaralan sa ilalim ng kani-kanyang nasasakupang lugar.
Noong 2017, naglabas ang Department of Education (DepEd) ng Revised Guidelines on the Use of the Special Education Fund upang ma-update ang mga polisiya at alituntunin ng SEF na inilathala ng DepEd, Department of Budget and Management (DBM) at Department of Interior and Local Government (DILG).
Mahigit dalawang dekada na mula noong naisabatas ang Republic Act (RA) No. 7160 o Local Government Code of 1991.
Kaya naman marami sa mga nakasaad na probisyon at nilalaman nito ay hindi na sapat para matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mamamayan sa kasalukuyang panahon.
Sa ilalim ng RA No. 7160, lumalabas na limitado lamang ang sakop ng alokasyon ng SEF kaya nahihirapang makapagpatupad at mapondohan ang mga makabuluhang programa at aktibidad para sa pakinabang ng kabataang mag-aaral maging ng kanilang mga magulang.
Bilang vice-chairman ng Senate Committee on Education, Arts and Culture ay ipinanukala natin ang Senate Bill No. 207 o “An Act Expanding the Purpose and Application of the Special Education Fund (SEF), Amending for the Purpose Section 272 of Republic Act No. 7160, Otherwise Known as the ‘Local Government Code of 1991.’”
Nilalayon nitong dagdagan ng 1% SEF tax na minamandato ng RA No. 7160. Ipinatutupad sa nasabing panukala na mapalawak pa ang aplikasyon ng SEF sa iba pang aspeto na may kinalaman sa edukasyon na mapakikinabangan ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral.
Aamyendahan ng ating panukalang-batas ang Section 1 at Section 272 ng RA No. 7160 kung saan ang kapupuntahan ng adisyunal na 1% tax ay operasyon at maintenance ng mga pampublikong paaralan na paghahatian ng mga provincial at municipal school board.
Kabilang dito ang operasyon ng non-formal education programs at ang pambayad sa suweldo, allowance at iba pang benepisyo para sa mga teaching at non-teaching personnel.
Palalakasin din ang programa para sa early children education, special education, maging ang pagsasagawa ng teachers’ competency trainings.
Tutugunan din ng SEF ang mga pangangailangan para sa Early Childhood Education at Special Education.
Kasama rin sa susuportahang gastusin ay ang pagpapatayo at pagpapagawa ng school buildings, pasilidad, research studies, pagbili ng aklat, peryodiko at sports development.
Tiyak na makatutulong ang SEF upang makamit ng kabataan ang de-kalidad na edukasyon. Panahon na upang iakma ang mga batas sa pangangailangan ng guro, kurikulum at pasilidad ng lahat ng paaralan.
Sa pakikipagtulungan sa ating kapwa mambabatas, umaasa tayo sa tagumpay ng pagsasabatas nito sa lalong madaling panahon.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments