Angkas driver duda sa package, dumiretso sa presinto | 2 LASALISTA NA TULAK, KULONG

ARESTADO ang dalawang graduating students ng De La Salle University main campus at De La Salle College of St. Benilde na nakuhanan ng P1.5 milyong iba’t ibang uri ng party drugs kahapon ng umaga.
Kinilala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Director General Guillermo Eleazar ang dalawang inaresto na sina Adriel Ryoichi Temporosa Suzuki, 24, half-Japanese, half-Filipino ng Unit 736 Cityland 9, Dela Rosa Condominium sa Dela Rosa St., Bgy. Pio Del Pilar, Makati City at Ralph Jeffrey Esteban, 23, ng BF Homes Almanza, Las Piñas City.
Ayon kay Makati City Police Chief Senior Supt. Rogelio Simon, sinalakay ang nasabing condo alas-7:00 ng umaga.
Ayon sa hepe ng Makati Police, kumuha ng serbisyo ng isang Grab Express si Suzuki upang ipadeliber ang maliit na kahon sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City.
Nang tanunging ng Angkas driver kung ano ang laman ng kahon ay ayaw umanong sabihin ni Suzuki.
Dahil dito naghinala ang driver kaya dumiretso ito sa tanggapan ng Police Community Precinct 3 ng Makati City Police dala ang kahon.
Nang buksan ni Senior Inspector Jay Ar Fajardo ang naturang package, rito na nakita na naglalaman ito ng iba’t ibang uri ng party drugs o ecstasy.
Agad na nagsagawa ng follow-up operation ang mga pulis at sinalakay ang unit ng suspek.
Naabutan pa ng mga awtoridad si Suzuki kung saan nasamsam dito ang mahigit 1,000 piraso ng party drugs, reduce cocaine, shabu at drug paraphernalias, ilang pirasong perang Japanese yen, mga ID at hindi pa mabatid na halaga ng pera.
Inamin naman ni Suzuki na karamihan sa kanyang mga parukyano ay mga estudyante ng nasabing paaralan.
Aniya, para hindi mahalata, inilalagay nito ang mga droga sa kaha ng sigarilyo.
Aminado naman ang mga suspek na nagbebenta sila ng ecstacy kapag may bumibili sa kanila ngunit, iginiit na for consumption lang umano nila ito.
Ayon naman sa NCRPO chief, maituturing na malaking sindikato ang ganito karaming droga na karamihan ay mga estudyante ang parukyano.
Aniya, may posibilidad na sa loob ng condo unit karamihan gumagamit ng drugs ang mga nagiging customer ni Suzuki.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng mga tauhan ng Makati City Police, aabot sa P1.5 milyon ang halaga ng nakumpiskang party drugs sa dalawa.
Patuloy pa rin nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga pulis at hinahanting na rin ang babaeng Russian national na sinasabing source ng dalawa.





Comments