SK kagawad na sangkot sa droga, huli

INARESTO ng pulisya ang 22-anyos na Sangguniang Kabataan kagawad sa ikinasang buy-bust operation sa Rosario, Cavite, madaling-araw ng Linggo.
Kakasuhan ng paglabag sa ilalim ng Sections 5 at 11 Article II ng Republic Act 9165 ang suspek na si Henry D. Oyao, Jr., residente ng Bgy. Muzon Dos, kasalukuyang SK kagawad at ang dalawa pa nitong kasamahan na sina Elmer de Guia alyas Agler, 27, at ang 16-anyos na babae na itinago sa pangalang Nicole.
Ayon kay PO1 Ricardo Mendoza, Jr., ng Rosario Municipal Police Station, nasa parehong puwesto bilang ikalawa sa listahan ang barangay official at si De Guia na mga bagong talang drug pusher sa lugar.
Batay sa report, alas-4:30 ng madaling-araw nang ilatag ng Rosario Station Drug Enforcement Unit at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang operasyon sa grupo ni Oyao sa Bgy. Muzon Dos.
Nakumpiska ng mga awtoridad mula sa posesyon ni Oyao ang apat na sachets na naglalaman ng pinatuyong dahon ng marijuana na may street value na P600.
Nasa kustodiya na ng station custodial facility sina Oyao at De Guia habang ang menor-de-edad naman na suspek ay nai-turnover na sa Municipal Social Welfare and Development para sa pangangalaga nito.





Comments