Pamilyang adik tulak, arestado

PINAGDADAMPOT ng pulisya ang anim na miyembro ng pamilya matapos mahuli sa akto ang mga ito na nagbebenta at gumagamit ng iligal na droga sa Bgy. Old Balara, Quezon City.
Walang naiwan sa bahay ng magkakamag-anak nang sila ay hulihin ng mga tauhan ng Quezon City Police District, pasado alas-12:00 ng hatinggabi ng Linggo.
Kinilala ni QCPD Director Police Chief Superintendent Joselito Esquivel, Jr., ang mga dinampot na sina Luzviminda Vinluan alyas Minda, 49; Rolan Vinluan, 48; Timoteo Vinluan, 42; Sandro Vinluan, 43; Maria Luningning Vinluan, 29, at Mark Anthony Angeles, 39.
Una nang ikinasa ng QCPD Station 6 ang buy-bust operation sa nabanggit na barangay na ang target lamang ay ang nakatatandang Vinluan na si Luzviminda.
Gayunman, matapos mahuli ang target ay naabutan naman ng mga awtoridad sa bahay nito ang iba pang kaanak ni Luzviminda na abala sa shabu session.
Nauna nang nakatanggap ang mga awtoridad ng impormasyon tungkol sa pagbebenta umano ng Pamilya Vinluan ng iligal na droga sa kanilang mga kapitbahay.
Agad na ikinasa ang surveillance sa pamilya at nang magpositibo ay inilunsad na ang operasyon.
Nabatid na sina Rolan Vinluan at Mark Anthony Angeles ay kabilang sa Directorate for Intelligence (DI) watchlist, habang ang ibang kapamilya nito ay bago pa lamang pumasok sa iligal na aktibidad.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang anim na sachets ng shabu, drug paraphernalias at buy-bust money.





Comments