Kahalagahan ng bokasyon sa buhay ng bawat isa
- BULGAR

- Mar 18, 2019
- 3 min read
NGAYONG Lunes, ika-18 ng Marso, ipagdiriwang natin ang ating ika-37 anibersaryo ng ordinasyon bilang pari. Apat kaming inordinahan ng Papal Nuncio na si Archbishop Bruno Torpigliani .
Sa mainit at masayang umaga sa Manila Cathedral, dumapa at inialay ng apat na pari ang kani-kanilang sarili sa paglilingkod sa Panginoong HesuKristo. Kasabay nating naging pari sina Padre Cesar Macariola, Edwin Mercado at Fidel Apalisoc. Bagamat, nagkakaedad na, maituturing pa rin kaming pari at puno pa rin ng galak at siglang maglingkod.
Iba-iba ang naging landas at karanasan naming apat. Tiyak kung magkakaroon ng pagkakataong magkita, malamang, magdamagang kuwentuhan ang mangyayari. Hindi naging madali ang nakaraang 37 taon. Ngayon natin naiintindihan ang paulit-ulit na habilin ng aming mga propesor na ang karamiha’y sumakabilang-buhay na. “Magdasal at palaging humingi ng tulong, liwanag at lakas sa Panginoon. Hindi mo kayang mag-isa ang pagpapari. Instrumento lang tayo ng kaharian at kaligtasan ng Diyos.” Ito ang kanilang paulit-ulit na paalala sa lahat.
Ngayong, 64 taon na tayo, naiintindihan na natin ang kabutihan at kagandahang-loob ng Diyos na walang sawang nagkaloob ng biyaya sa atin upang maiwasan ang sari-saring pagsubok at tukso na nagpapahina at sumisira sa bokasyon.
Sa nakaraang mahigit na tatlong dekada ng paglilingkod bilang pari, napakaraming pagbabago ang naranasan natin hindi lang sa sarili nating bansa kundi sa buong daigdig. Napakaraming nagbago, maraming hamon at problemang kailangang harapin ng Simbahan. Malinaw ang bigat ng problema nang biglang nagpahayag si Papa Benito na siya ay magbibitiw na at magreretiro sa pagiging Papa, samantalang, kailangang harapin ang pagtindi ng terorismo sa mundo, biglang pumutok ang malungkot na istorya ng “sex scandal” sa Simbahan. Mula kardinal hanggang sa Obispo at karaniwang pari, sunud-sunod ang mga kaso, pagsuspinde at pagtanggal sa puwesto ng mga nakasuhan. Napakasakit nito para sa Papa, Obispo, pari at sa mga laykong Katoliko.
Ngunit, hindi sa pagkakamali at pagkakasala natatapos ang lahat. Hindi natatapos ang hiwaga ng bokasyon. Hindi tumitigil ang Diyos sa kanyang pagtawag sa mga pari, nagkasala man o hindi na maging tapat at matatag sa pagsunod sa tawag na kanyang tinanggap. Ito ang bokasyon, mula sa salitang Latin na “vocare” o tumawag. Tumatawag ang Diyos, kapag nakinig at sumunod ang sinuman sa tawag ng Diyos, ito ay magbibigay sa kanya ng buhay.
Gayunman, hindi madaling maging tapat sa tawag ng Panginoon. Ito ang dahilan kaya nagkakasala ang mga pari. Kapag isinara natin ang ating isipan, puso at kaluluwa sa tinig ng Diyos na tumatawag na maglingkod sa kapwa at ihatid ang mensahe ng Kanyang kaligtasan sa lahat ay hindi malayong manghina at tuluyan nang mamatay ang ating bokasyon.
Hindi nagbabago ang pangunahing tawag ng Diyos sa lahat na maging tapat sa Kanya, umiwas sa kasalanan at gumawa ng mabuti sa iba. Ito ang tawag na ipinararating sa bawat pari, ngunit, sa bawat panahon dahil sa mga kongkretong nangyayari sa kapaligiran, mayroong mga bago at kakaibang tawag na ipinaaabot sa lahat, lalo na sa mga pari at relihiyoso.
Patuloy pa rin ang pagpatay, ang mga banta at pang-iinsulto sa Simbahan, gayundin ang pananakot at pagbabanta, gayunman, patuloy din ang ating paninindigan sa lahat ng uri ng karahasan, kasinungalingan, kalaswaan at korupsiyon. Malinaw na sinasabi ng Panginoon sa lahat, “Sumunod kayo sa Akin. Pakinggan at isabuhay ninyo ang Aking panawagan. Huwag kayong matakot. Huwag na huwag kayong matakot.”
Kasama ng mga kasama nating naordinahan, 37 taon nang nakararaan, nais nating magpasalamat sa ating bokasyon ng pagiging pari. Hindi man kami karapat-dapat, tinawag Ninyo kami upang ibahagi ang Inyong buhay at higit sa lahat, buksan ang aming buong pagkatao, isip, puso at kaluluwa sa Inyong kaligtasan. Amen.




Comments