Utos ni Digong | MAGLABAS NG TUBIG!

INATASAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na pakilusin ang Manila Water Company, Inc. at Maynilad Water Services, Inc. upang maibsan ang nararanasang water shortage sa Metro Manila.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, batid ng pangulo ang nararanasang paghihirap ng mga residente dahil sa krisis sa suplay ng tubig.
Dahil dito, inatasan ng pangulo ang MWSS na obligahin ang Manila Water at Maynilad na mag-release ng tubig mula sa Angat Dam epektibo alas-12:00 ng tanghali kahapon.
Ang ire-release na tubig mula sa Angat Dam ay kailangang tumagal ng 150 araw upang masuplayan ang mga apektadong lugar sa Metro Manila. Aniya, dapat ding matiyak na maipamamahagi ito nang patas at tama sa mga apektadong residente.
Si Pangulong Duterte mismo ang hahabol at tiniyak na mananagot ang sinumang mabibigo na tumugon sa nasabing direktiba ayon kay P-Duterte.





Comments