Komedyante, 'di dinalaw sa burol… KARLA, DINALAW NI CHOKOLEIT


DINALAW ni Chokoleit sa panaginip ang kaibigang si Karla Estrada at tila nagpapahiwatig sa kanya na hindi pa siya dumadalaw sa burol.
“Kahapon ng madaling-araw, nagpakita siya sa akin sa panaginip,” kuwento ni Karla sa Magandang Buhay kahapon, “Nakaupo silang apat, lumingon siya. Siguro, sinasabi niya, ‘Momshie Karls, hindi ka pa pumupunta. Pero naka-schedule talaga akong pumunta kahapon. Pero nakakatuwa, nagpakita siya sa akin sa panaginip.’”
Kuwento pa ni Karla, kaibigan daw niya si Chokoleit since 1993 at nagkikita sila sa mga comedy bars.
Aniya, sa first trip nila ng anak na si Daniel Padilla sa US ay ang komedyante ang kasama nila.
“Nu’ng first time naming makarating mag-ina, kaming dalawa ni Daniel Padilla which is 5 years ago, sa Amerika, siya ang kasama namin na nag-perform. Siya ang front act ni Daniel.
“So, talagang grabe ang kuwentuhan namin na parang ‘‘Di ba, dati ‘Day, ganito lang tayo? Tapos, ngayon, nandito na tayo sa Amerika.’ Alam mo ‘yung mga ganu’n, ‘di ba?” kuwento pa ni Karla.
Nagbigay din ng kanilang pag-alala kay Chokoleit ang dalawa pang hosts na sina Jolina Magdangal at Melai Cantiveros.
Bukod dito, kinanta rin ng tatlong hosts kasama sina Pokwang, K Brosas at Pooh ang favorite song ni Chokoleit na Kahit Maputi Na ang Buhok Ko na siyang kinanta ng komedyante sa last performance nito sa Abra bago siya yumao.





Comments