P10 milyong shabu nasabat, 3 tiklo
- Jeff Tumbado
- Mar 15, 2019
- 1 min read

ARESTADO ng pinagsanib na puwersa ng militar, pulisya, Philippine Drug Enforcement Agency, National Bureau of Investigation at Philippine Coast Guard ang tatlong miyembro ng notoryus na Kidnap-for-Ransom Group sa Ipil, Zamboanga Sibugay.
Kinilala ang mga suspek na sina Nicanel Maningo, Benhazer Anduhol at Solaiman Calon, pawang mga miyembro ng ‘Barahama Alih Kidnap-for-Ransom Group’.
Ayon kay Lt. Col. Don Templonuevo, 44th Infantry Battalion Commander ng Philippine Army, nadakip ang mga suspek sa inilatag na operasyon sa Bgy. Tena nitong Miyerkules.
Sangkot din umano ang mga suspek sa pagbebenta ng iligal na droga sa malaking bahagi ng Zamboanga Sibugay.
Nakuha mula sa mga suspek ang isang caliber M-16 rifle, dalawang .45 baril, mga pampasabog, iba’t ibang bala at ang bultu-bultong shabu na may bigat na 1.5 kilos na tinatayang nasa P10.2 milyon ang halaga.
Tiniyak naman ni Col. Bagnus Gaerlan, Jr., na sa pagkakadakip sa tatlo at pagkakasabat sa mga gamit ng mga ito ay pilay na ang kanilang grupo sa mga ginagawang iligal na aktibidad.





Comments