Mga nananamantala kasabay ng water shortage, lagot!


KASABAY ng nararanasang kakulangan sa supply ng tubig, kani-kanyang diskarte ang mga residente at establisimyento.
Sa ganitong sitwasyon, hindi maiiwasang dumidiskarte rin ang mga pasaway.
Kaya humirit na ang Department of Trade and Industry (DTI) sa mga local government na bantayan ang mga ulat kaugnay sa pagtaas ng presyo ng ilang bilihin kasunod ng nararanasang water shortage, partikular sa Metro Manila at mga bayan sa Rizal.
Ayon sa ahensiya, may mga ulat na nagtaas ang presyo ng timba, drum, purified water at gayundin ang iba pang mga bilihin tulad sa mga karinderya na ang idinadahilan umano ay ang kapos na suplay ng tubig.
Gayunman, wala sa hurisdiksiyon ng ahensiya ang mga nagbebenta ng water containers at sa mga nagnenegosyo ng water refilling stations kundi nasa lokal na pamahalaan.
Kaya ang mga ito ang dapat magbantay sa mga ito.
Ang sakop lamang ng DTI ay ang mga bottled mineral water na sa ngayon ay wala pa namang paggalaw sa presyo.
Sa mga matitigas ang mukha na sinasamantala ang pagkakataon, ‘profiteering’ ‘yan at may katapat na parusang pagkakakulong at multa na aabot sa P5, 000 hanggang P2 milyon.





Comments