Mall inararo, palaruan tinumbok, 13 sapol | KILLER SUV

ISA ang patay habang 12 ang sugatan nang umarangkada ang SUV at pumasok sa palaruan ng isang mall sa Carmona, Cavite, kamakalawa.
Kinilala ang nasawi na si Rollen Sartiel, 22, may asawa, ama ng 3-taong gulang na binabantayan nito habang naglalaro sa amusement center ng Walter Mart Mall.
Ginagamot naman ang 12 pang biktima na sina Myrna Doctor, 51; Nina Marie Morello, 27; Glennis Gianan, 40; Jinky Oborza, 27; Rhalf Oborza, 4; Florabel Medina, 40; Mark Anthony Gonzales, 34; Mark Leo Ace Gonzales, 4; Jazz Lano, 6; Cian Laurora Sartiel, 3, anak na namatay at Emma Hunsay, 74.
Sugatan din ang driver ng SUV na si Rosendo Mamucod, 66, may asawa, residente ng Bgy. Milagrosa, Carmona, Cavite.
Sa panayam kay PO3 Marlon Ramirez, ala-1:25 ng hapon, kasalukuyan umanong naka-park sa PWD parking slot ng Walter Mart ang Mitsubishi Montero (UHO 229) at nasa driver’s seat ang driver nito na nakaidlip habang hinihintay ang asawa na bumibili ng gamot.
Nagulat umano ito nang biglang umusad ang sasakyan na hindi nito naagapan kaya dumiretso sa loob ng mall at natumbok ang amusement center kung nasaan ang mga biktima.
Naipit sa ilalim ng sasakyan ang ibang biktima kasama ang namatay habang ang iba ay tumilapon.
Agad namang rumesponde ang MDRRMO at ilang mga tauhan ng Walter Mart at itinakbo sa pagamutan ang mga biktima subalit, hindi na umabot ng buhay si Sartiel.





Comments