CIGNAL-ATENEO, NAKARESBAK, DAPA ANG ONLINE SA D-LEAGUE


BUMALIKWAS pabalik ng winning track ang Cignal-Ateneo matapos padapain ang AMA Online Education, 111-81, kahapon sa 2019 PBA D-League sa Ynares Sports Arena sa Pasig.
Nagposte si Ivorian center Angelo Kouame ng 22 puntos, 15 rebounds, at 4 na blocks upang giyahan ang panalo ng Blue Eagles at bumawi sa hindi niya paglalaro noong nakaraang laban habang nagdagdag si Thirdy Ravena ng 14 puntos, 8 assists, at 4 na rebounds sa loob lang ng tatlong quarters. Nagdagdag si BJ Andrade ng 21 puntos , 14 puntos din mula kay William Navarro at double-double 10 puntos at 12 rebounds kay Mike Nieto para sa Ateneo.
Simula pa lang ay rumatsada na ang Cignal-Ateneo, 9-0 na umabot ng 27-9 na kalamangan sa dulo ng first quarter. Hindi na sila muli pang lumingon mula roon upang ganap na makabawi buhat sa 98-112 na pagkatalo sa kamay ng University of Santo Tomas.
“I just feel like we were a little bit disprestecful to ourselves, to our opponents, and to the game, but more to ourselves the last time out. We have to come out and do your best every game and today, we were much better,” wika ni Ateneo coach Tab Baldwin.
Dahil dito, tumaas ang Blue Eagles sa 3-1 kartada sa Aspirants Group habang nalaglag sa kabaligtarang baraha ang Titans.
Nagtala ng game high- 41 puntos si Joshua Munzon ngunit hindi ito sapat upang ihatid ang AMA sa tagumpay. Mga laro sa Lunes: Paco Arena, Manila: 2 p.m. - McDavid vs Petron-Letran: 4 p.m. - St. Clare College Virtual Reality vs Batangas-EAC. (VA)





Comments