2 PA HEBIGAT NA CUE ARTISTS, PIPILIIN PARA SA SEAG CHANCE

KUMPLETO na ang listahan ng mga manlalaro na nakapasok sa homestretch ng tryouts para sa tigalawang slots sa 9-Ball billiards ng koponan na kakatawan sa Pilipinas sa 2019 South East Asian Games kung saan tatayong punong-abala ang bansa.
Nakahilera sina Carlo “Black Tiger” Biado, Francisco “Django” Bustamante, Efren “Bata” Reyes, Warren “The Warrior” Kiamco, Dennis “Robocop” Orcullo, Judel Manzon, Jeffrey Ignacio at Johann Chua bilang bahagi ng walong manunumbok na pulutong na may tsansa pa para masikwat ang dalawang upuan sa 9-ball team.
Salpukang Biado-Bustamante, Reyes-Kiamco, Orcullo-Manzon at Ignacio-Chua ang unang masasaksihan ngayong Marso 18-19 na kaganapan. Ito ay lalapatan ng “race-to-11”, “alternate break” at “double elimination” na tuntunin.
Ang mangingibabaw sa winners’ bracket at magiging angat sa one-loss side ang magsusuot ng Philippine tri-colors. Halos lahat ay mga batikan sa bakbakan sa international tourneys kaya walang nakakasiguro sa dalawang slots na bakante.
Sa kababaihan, aangas na sa mesa sina Chezka Centeno, Hannah Magluyan, Rizza Mae Dela Cruz, Iris Ranola, Floriza Andal, Denise Santos, Geona Gregorio at Rubilen Amit. Banggaang Centeno-Magluyan, Dela Cruz-Ranola, Andal-Santos at Gregorio-Amit ang nakalatag sa huling bahagi ng women’s tryouts. Dahil mga dating SEAG gold medalist, sina Amit at Centeno ang paboritong makakakuha ng mga upuan.





Comments