Sumampa sa center island, sumalpok sa poste | 14-ANYOS DEDBOL SA MOTOR
- Gina Pleñago
- Mar 14, 2019
- 1 min read

BUMANGGA sa poste nang sumampa sa center island ang sinasakyang motorsiklo ng menor-de-edad na rider at sugatan naman ang angkas nito sa Muntinlupa City.
Dead-on-arrival sa Ospital ng Muntinlupa si Patrick Obispo, 14, sanhi ng grabeng pinsala sa katawan habang ginagamot naman ang angkas nitong si Oscar Mogate, 18.
Ayon sa report na nakarating sa Southern Police District, naganap ang insidente sa westbound lane ng Alabang-Zapote Road, Filinvest, Bgy. Alabang, Muntinlupa City alas-3:30 ng madaling- araw.
Habang minamaneho ng nasawing biktima ang Yamaha motorcycle na sidecar at walang plaka kung saan angkas nito si Mogate nang hindi nito nakontrol ang preno.
Sumampa sila sa center island hanggang sa sumalpok sa poste.
Sa lakas ng pagkakabangga, nahulog ang mga biktima mula sa motorsiklo.
Agad silang isinugod sa nabanggit na ospital ng rumespondeng Lifeline Rescue Ambulance pero, binawian din ng buhay ang isa sa mga biktima.





Comments