Paraan para maiwasan ang pagkakaroon ng tubig sa baga
- BULGAR

- Mar 14, 2019
- 2 min read
Dear Doc. Shane,
Maaari bang pakitalakay ang tungkol sa pulmonary edema? Talaga bang nakamamatay ito kahit ginamot, gayundin, saan nakukuha ang sakit na ito? — Edwin
Sagot
Ang tubig sa baga o kilala sa tawag na pulmonary edema ay kondisyon kung saan napupuno ng tubig ang baga ng tao.
Ang pagkakaroon ng sakit sa puso ang pangunahing dahilan ng pagkakaroon ng tubig sa baga. Kapag ang pasyente ay may problema sa puso, mahihirapan na itong magbomba ng sapat na dugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ang dugo ay naglalaman ng oxygen na mula sa hangin na ipinapasok ng ating katawan sa baga sa pamamagitan ng paghinga. Dinadala ang oxygen sa lahat ng bahagi ng katawan sa pamamagitan ng pagbomba ng dugo sa proseso ng sirkulasyon. Kapag may tubig ang baga, ang baga ng pasyente ay napupuno ng tubig. Habang dumarami ang tubig, mas nahihirapan ang baga na kumuha ng sapat na oxygen.
Gayundin, nagtatrabaho ang puso ng doble para makapagsuplay ng dugo sa buong katawan. Ito ay nakadaragdag ng hindi kinakailangang pressure sa maliliit na mga ugat sa baga. Para maibsan ang pressure na ito, ang maliliit na ugat sa baga ay kailangang magpalabas ng tubig na naiipon sa baga.
Mas malaki ang posibilidad na magkatubig sa baga kapag:
dati nang nagkatubig sa baga
nagkaroon na ng sakit sa baga tulad ng TB at chronic obstructive pulmonary disorder (COPD)
pagkakaroon ng sakit sa dugo
kahirapan sa paghinga
pag-ubo
pagtunog ng baga kapag humihinga na parang sumisipol
pag-ubo na may kasamang dugo
matinding pagpapawis
pamamaga ng mga paa
hindi normal na tibok ng puso
may sakit sa puso
May ilang hindi pangkaraniwan na mga medikal na kalagayan na maaaring maging sanhi ng tubig sa baga tulad ng mga sumusunod:
atake sa puso o iba pang mga sakit sa puso
pagkipot o pagkakaroon ng tagal sa mga balbula ng puso
biglaang pagtaas ng presyon ng dugo
pagkakaroon ng pulmonya
sakit sa bato
sakit sa baga na dala ng matinding impeksiyon
matinding impeksiyon sa dugo o sepsis
pamamaga ng lapay o pancreatitis
Paano ito maiiwasan?
regular na magpa-check-up sa doktor
iwasan ang paninigarilyo at paggamit ng droga
ugaliing mag-ehersisyo
ugaliing kumain ng masusustansiyang pagkain
panatilihin ang tamang timbang
Tandaan, na ang tubig sa baga ay naaagapan at nagagamot, lalo na kapag ito ay nalaman nang mas maaga subalit, sa ilang mga kalagayan, ang tubig sa baga ay nakamamatay kahit na maisagawa pa ang lahat ng uri ng panggagamot.




Comments