Malinaw ayon sa birthday... LESBIAN NA NAKATAKDANG LUMIGAYA KUNG BABALEWALAIN ANG SASABIHIN NG IBA
- BULGAR

- Mar 14, 2019
- 4 min read
Dear Maestro,
Tawagin n‘yo na lng akong Karen, 32 years old. Nalilito ako sa pagkatao ko, pero alam ko sa sarili ko na hindi ako normal dahil lesbian ako.
Maganda naman ako, kaya lang mas humahanga ako sa mga babae kasya sa mga lalaki.
Sinubukan kong mag-boyfriend, tumagal kami ng 2 years, pero nilubayan ko na rin dahil hindi ako masaya at alam kong niloloko ko lang ang sarili ko.
Inisip kong kailangan ko ring magkaroon ng asawa, anak at normal na pamilya, pero hindi naman ako masaya sa piling ng mga lalaking nakakasama ko.
Kadalasan pa nga sa aking pag-iisa ay pinapangarap kong magkagusto sa babae. Pero, inisip ko na malabo ‘yun dahil baka perahan lang ako. Tama pala ‘yung sinasabi nilang minsan, ang pag-ibig ay dumarating sa mga sandaling hindi mo inaasahan.
Hanggang sa dumating ang pagkakataong magkakasama kami sa kasiyahan ng mga kasamahan ko sa work. Tapos ‘yung friend ko nag-text sa akin dahil pinapupunta ko siya sa kasiyahang ‘yun.
Tapos, nag-reply siya, pero iba ang gamit niyang SIM or cellphone. Ngunit, sinabi niya, “hindi siya puwede”.
Tapos nag-reply ako, pero iba ang sumagot ‘yung pinsan niya, tapos, nagkumustahan kami.
Tawagin natin siyang Babe, halos kasing edad ko rin siya 31, mas bata lang sa akin ng isang taon. Isa siyang, CPA at cum laude sa University of Manila.
Nagkamabutihan kami at lahat ng first ko, siya ‘yung nagparamdam sa akin, binibigyan din niya ako ng mga regalo.
Sa totoo lang, napakasaya ng relasyon namin, subalit, dumating ‘yung time na natakot siya na baka malaman ng family niya na may karelasyon siyang lesbian dahil hindi raw matatanggap ng family niya ang ganu’n.
Du’n ako naiyak ng sobra sa sinabi niyang ‘yun. Hanggang sa nakipaghiwalay siya sa akin. Sobrang sakit dahil mahal na mahal ko na siya.
Ang sabi niya, maging magkaibigan na lang daw muna kami kasi marami pa raw siyang priorities sa buhay, pero ayaw daw niya akong mawala sa buhay niya.
Sa ngayon, nagte-text siya paminsan-minsan sa akin. Noong kami pa, pangarap naming pareho na makapag-abroad at ngayon ay nasa Ireland na siya at ako naman ay malapit ng umalis papuntang Canada. Nagkukumustahan pa rin kami sa email at chat.
Pero, one year na kaming break. Mahal na mahal ko pa rin siya hanggang ngayon at palagi ko siyang nami-miss at naaalala.
Bago siya umalis papuntang Ireland, nagpa-alam siya sa akin at pumunta siya sa amin, binigyan pa niya ako ng regalo.
Ang tanong ko, Maestro ay ganito, mahal pa rin kaya niya ako? Ano ang dapat kong gawin ngayong wala na siya?
Umaasa,
Karen ng Cubao, Q. C.
Dear Karen,
Sa palagay namin hanggang ngayon ay mahal na mahal ka pa rin ng babaeng sinasabi mo dahil bihira namang mabura kaagad ang totoo ninyong pag-iibigan!
Gayunman, upang makatiyak tayo, mas maganda kung siya ang tanungin mo kung mahal ka pa rin niya? Kahit sa text o email lang, puwede na ‘yun. Upang hindi masayang ang napakatamis at nakakikilig ninyong pagmamahalan.
Kung mahal ka pa niya, puwede ka niyang tulungang makapunta sa Ireland at doon na kayo magsama at magpakaligaya.
Puwede rin namang kapag natuloy ka sa Canada ay siya naman ang lumipat ng work upang du’n na kayo magsama at magmahalan, habambuhay.
Magagawa ninyo ‘yan dahil pareho kayong matalino at professional. Dagdag pa rito, bukod sa pareho kayong matalino at propesyunal, kapwa naman kayo totoo at tunay na nagmamahalan!
Alam mo, sa lipunan o kultura nating mga Pilipino, medyo conservative ang religious upbringing natin at ang ating kultura, kaya masyadong bawal ang maging bakla o tomboy.
Pero, kung ako lang ang tatanungin, mahal ko ang mga tomboy at ang mga nakikipagrelasyon sa tomboy, kung anuman ang tawag sa inyo dahil ginagawa n’yo lang naman ‘yun dahil du’n kayo masaya at alam ninyong du’n kayo higit na mas magiging maligaya.
Tulad din ng sitwasyon mo ngayon, Karen, kung du’n kayo maligaya ng kasintahan o ng bestfriend mo, ano ang magagawa ng iba? Samantalang nasa hustong edad na kayo?
Ano ang magagawa nila, eh, tayo ang mas responsable sa sarili nating buhay at kapalaran? ‘Ika nga, kapag ba nagutom ka pakakainin ka ba ng iba?
Kapag may problema ka, aasikasuhin ka ba ng mga taong nanghuhusga sa relasyon ninyo? Hindi naman, ‘di ba?
Sa halip, ‘yung taong palagi mong katabi at kasama — tomboy man siya, lesbian, bisexual o kahit na ano pa ang tawag, siya ang magiging kasangga mo sa problema, dadamay at magmamahal sa iyo, habambuhay.
At dahil tugma ang birth date ninyo at zodiac sign, sigurado ang magaganap, darating muli ang isa pang sitwasyong hindi ninyo inaasahan, muling pagtatagpuin ng langit ang inyong mga landas, muli kayong magkikita at magiging close sa isa’t isa.
Sa sandaling nangyari ‘yun, anumang alalahanin at bagabag ang gumigiit sa inyong relasyon, huwag ninyong intindihin ‘yun, sa halip, alang-alang sa masarap at masaya ninyong pagmamahalan, sundin ninyo ang itinitibok ng inyong puso, panaigin ninyo ang pag-ibig sa isa’t isa, magsama na kayo upang habambuhay na kayong lumigaya.




Comments