Mga tindero sa palengke na sobrang taas tumubo, lagot!
- Ryan B. Sison
- Mar 14, 2019
- 1 min read

MAGING ang mga tindero sa palengke sa Quezon City ay natututo nang mandaya dahil sa kahirapan ng buhay.
Ito ay kasunod ng pag-iikot ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga palengke at supermarket, kamakailan, kung saan nagulat sila nang mabuking nila na umabot sa P140 hanggang P150 kada kilo ang bentahan ng galunggong sa nasabing pamilihan na dapat P110 lamang.
Dagdag pa rito, ang presyo ng manok na dapat nasa P135 lamang ay ibinebenta sa halagang P150 kada kilo.
Talaga namang, abusado ang mga tindero, tiyak na marami na silang naloko sa kanilang diskarte at kung hindi pa nahuli ang mga ito ay baka mas marami pa silang magoyo. Tsk! ‘Yun lang!
Gayunman, kahit mahirap ang buhay, huwag naman tayong masyadong maging gahaman, ayos lang na tumubo ng kaunting halaga, huwag lang ‘yung sobra-sobra dahil marami sa atin ang walang sapat na pera.
Kaya ang panawagan natin sa mga nagtitinda, hinay-hinay lang sa pagtubo dahil baka kayo rin ang madehado kapag nagkataong mahuli kayo.
Gayundin, ang paalala sa mga mamimili, maging matalino at huwag magpapaloko sa mga tinderong abusado!
‘Ika nga, lahat tayo ay may kani-kanyang pangangailangan, pero hindi solusyon ang panlalamang sa kapwa para umangat tayo sa buhay dahil tiyak na lalagpak din tayo kapag ganito ang ating naging kalakaran.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.




Comments