Pagtuturo ng GMRC, ibalik
- V. Reyes
- Mar 12, 2019
- 1 min read

NAPAPANAHON na umanong maibalik sa mga kabataan ang pagtuturo ng tamang asal at wastong gawa sa eskuwelahan, tahanan at kahit sa mga lansangan, gayundin ang pagsunod sa Rule of Law.
Kasunod ito ng paglutang ng isyu ng honesty o katapatan sa ilang mga pulitiko sa bansa.
Ipinupursige na mapagtibay sa Kamara ang House Bill 6705 o ang Revival of Good Manners and Right Conduct Act of 2017 na magtatakda sa GMRC bilang hiwalay na subject sa basic education curriculum.
Inalis sa bagong curriculum ng K-12 Program ang GMRC bilang regular subject at isinama na lang sa Social Studies o iba pang tulad nitong subject sa eskuwelahan.
Nilalayon ng subject na GMRC na maitatak sa isipan ng kabataan ang pagrespeto sa sarili, sa kapwa at mga nakatatanda, gayundin ang pagpapahalaga sa pagpapasensiya, pagtitiyaga, katapatan at mabuting layunin sa pakikihalubilo sa ibang tao.
Pati ang House Bill 4248 o ang Social Media Ethics Education Act of 2016 ay inihain din sa Kamara upang maisama sa curriculum ng formal education ang pagtuturo ng wastong asal sa social media.
Maiuugnay din sa naturang mga panukala ang House Bill 4247 o ang Basic Road Courtesy and Appropriate Street Behavior Education Act of 2016 upang maagang maituro sa mga estudyante ang pagrespeto o naaangkop na ugali sa kalsada para maiwasan ang mga krimen na nagsisimula sa away-trapiko.





Comments