Opisyal ni P-Digong, hindi sinibak kundi nagbitiw dahil hindi masikmura ang mga ginagawa, hmmm…

NAPANOOD ba ninyo ang “Bohemian Rhapsody”, ang pelikula batay sa buhay ni Freddie Mercury? Sumisikat na naman ang mga kanta ng Queen dahil sa pelikula, partikular nang manalo si Rami Malek na gumanap sa yumaong singer ng Oscar for Best Actor. Sa kanilang kantang “Another One Bites the Dust”, naaalala natin ang sinibak na si PCSO General Manager Alexander Balutan, dahil sa umano’y mga “seryosong paratang hinggil sa katiwalian”. Naganap ito isang araw nang magpahayag si Balutan na bumaba ang benta ng ticket ng lotto mula nang ipatupad ang buwis sa ticket at sa mga premyong hihigit sa sampung libong piso. Dahil bumaba ang benta, hindi rin daw lumalaki agad ang mga premyo. Sa totoo lang, malaking jackpot ang umaakit sa mga tao para bumili ng ticket. Masaya na siguro si Sandra Cam na nakabangga ni Balutan nang pumasok ito sa PCSO.
Gayundin, naaalala natin si dating Dangerous Drugs Board (DDB) Chief Dionisio Santiago. Sinibak daw ito dahil sa mga paulit-ulit nitong “biyahe at katiwalian”. Sinibak ito ilang araw nang magpahayag na ang malaking rehabilitation center sa Nueva Ecija ay isang pagkakamali. Ang kanyang pinalitan sa DDB ay gayundin ang nangyari. Kinontra ang mga pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa bilang ng mga lulong sa droga kaya ito sinibak. Peligroso talaga ang posisyon mo kapag kinontra si P-Duterte, maliban na lang kung dikit ka sa kanya.
Pero, isang araw matapos ang pahayag ng Palasyo na siya ay sinibak dahil sa mga alegasyon ng korupsiyon, nagpahayag naman si Balutan na siya ay nagbitiw sa tungkulin dahil sa mga bagay na “hindi niya masikmura”. Hindi naman siya nagpaliwanag at sinabi lamang na noong ipinasok siya sa PCSO, sinabi niya sa mga empleyado na sa oras na may ipinagawa ang tanggapan ng pangulo at Kongreso na bagay na hindi niya masisikmura, magbibitiw siya.
Mayroon namang mga sumuporta kay Balutan, partikular na ang mga kasama nito sa militar. Si Balutan ay dating major general ng Philippine Marines at tumanggap ito ng maraming karangalan bilang sundalo, pero kung si Sen. Panfilo “Ping” Lacson, nagtapos din sa PMA ang tatanungin, dapat kasuhan si Balutan ng Palasyo dahil sa mga alegasyon. Kung naniniwala ang Palasyo na sangkot si Balutan sa korupsiyon, dapat lang itong kasuhan. Ito na rin ang pagkakataon ni Balutan na magsalita kung may nais siyang sabihin tungkol sa kanyang pagbibitiw na kontra sa pahayag ng Palasyo na siya ay sinibak.





Comments