Madali raw silang magduda sa kanilang mga nakasasalamuha... IBA’T IBANG PAG-UUGALI NG MGA IPINANGANA
- BULGAR

- Mar 11, 2019
- 3 min read


SA 12 animal signs na ipinatawag sa palasyo ni Lord Buddha, sinasabing ang Ahas ang isa sa may pinakamasarap na buhay at matimyas na panlasa. Kung kagandahan, malasang mga pagkain at hayahay na pamamahinga ang pag-uusapan, ang Ahas ang numero-uno sa ganitong estilo ng pamumuhay.
Kung dadalaw ka sa bahay ng iyong kaibigan at naramdaman mong napakarelaks ng ambiance sa loob ng nasabing bahay, walang duda, ang bahay na ito ay pag-aari ng Ahas.
Kaya nga masasabing napakasarap na makapangasawa ng Ahas kung “home loving individual ka”, kumbaga, kung gusto mong nasa bahay ka lang palagi, ibigin mo ang Ahas at siguradong magiging maligaya ang iyong karanasan sa piling ng iyong pamilya.
Sa umpisa, aakalain mong ang Ahas ay parelaks-relaks lang ang estilo ng pamumuhay, subalit, habang lumalalim ang inyong pagkakaibigan, mapapansin mong bukod sa relaks at napaka-cool ng kanyang pagkatao, ang Ahas ay nagtataglay din ng malalim na katalinuhan at katusuhan.
May pagkapraktikal din sila, mabilis mag-isip, tiyak kung kumilos at alisto kung umasta. Ang mga positibong katangiang ito ng Ahas ay dagdag pa sa may pagka-charismatic niyang pagkatao na nagiging dahilan upang siya ay lubhang maging kaibig-ibig sa sinumang kanyang makakasama.
Ngunit, sa madilim na bahagi ng kanyang pagkatao, sinasabing ang Ahas ay mahirap magtiwala, palaging naghihinala, nagdududa sa kanyang mga kasama at mahilig magsuspetsa kahit hindi naman totoo ang kanyang mga hinala.
Ang ikinaganda lamang, kahit na siya ay mapagduda, naghihinala, hindi basta-basta nagtitiwala at likas na alisto ang mga Ahas, hindi nila ito ipinahahalata o ipinangangalandakan, sa halip, pilit nila itong inililihim at hindi mo mahahalata na pinaghihinalaan ka na pala niya ng hindi maganda.
Kaya masasabing isa sa pinakamahirap maging kaaway ang mga Ahas, pero masarap silang maging kaibigan.
Kaya kung ikaw ay may kaibigang Ahas, mag-ingat ka sa kanya at huwag na ‘wag mo siyang bibigyan ng dahilan na magduda, mainis, magkamali o magkasala ka sa kanya lalo na kung paplanuhin mo siyang lokohin o dayain dahil bago mo pa magawa ito sa kanya, tiyak na mauunahan ka na niyang biglang tuklawin agad.
Huli na ang lahat at magugulat ka, kung paanong sa halip na madiskartehan mo siya ng manipis, ikaw ang mas mauunahan niyang agrabiyaduhin.
Dagdag pa rito, mahusay ding magtago ng kasalanan o nang pagkakamali ang Ahas. Kumbaga, kung may kinatatakutan man siya o kasalanang nagawa, hindi mo ito basta-basta mapapansin o mahahalata sa kanyang pagkatao.
Sa eksaktong paglalarawan, akala ninyo ay napakahusay, napakabait at napakatalino ng Ahas na iyong kaharap ngayon, pero ang hindi mo alam sa likod ng magandang pagkataong ito na ipinakikita sa iyo ng Ahas, mahusay niyang naikukubli ang lahat ng kanyang mga kahinaan at negatibong ugali, kaya naman nahuhulog kaagad ang loob mo sa kanya at ibinibigay mo ang isandaang porsiyento ng iyong pagtitiwala.
Tunay ngang ang lihim na ugali ng Ahas ay walang iniwan sa matandang Ahas na tumukso sa unang babae sa mundo, sa mahusay niyang pananalita at pangungumbinse, madali niyang napaniwala si Eva na naging dahilan upang kainin ang bawal na prutas sa halamanan ng Eden, kaya nangyari ang unang paglabag o unang kasalanan ng tao sa Diyos.
Kaya naman kung ka-career-in ng Ahas upang pagkaperahan o gamitin sa negosyo ang husay niyang ito sa pangungumbinse at panghihikayat, walang duda, sa larangan ng pangangalakal ay tiyak na aasenso hanggang sa tuluy-tuloy ng yumaman ang Ahas.
(Itutuloy)




Comments