Ka-bonding na rin ng buong Revilla clan, Jodi… BAGONG GF NI JOLO, TANGGAP NA NG ANAK
- BULGAR
- Mar 11, 2019
- 2 min read

MOMENTOUS ang naganap na selebrasyon ng ika-92 kaarawan ng legendary “agimat” action superstar at Revilla patriarch na si former Senator Ramon Revilla, Sr..
Halos kumpleto ang mga anak, apo, kamag-anak, friends from showbiz and politics ni Mang Ramon na nagkasiyahan sa loob ng Revilla mansion sa Imus, Cavite last Friday (March 8).
Very emotional ang daddy ni senatorial candidate Ramon ‘Bong’ Revilla, Jr. whenever may babati na mga dating kakilala na matagal na niyang ‘di nakikita.
Some of them ay ‘yung mga nakatrabaho niya sa paggawa ng pelikula gaya na lang ng stuntman/fight instructor na si Fred Moro. Kuwento ng mga nakarinig nu’ng bumati si Fred kay Mang Ramon, muli nitong sinabi sa stuntman na hinding-hindi niya ito malilimutan.
Si Fred ay dating mister ng entertainment columnist/manager na si Ate Chit Ramos. Kuwento sa amin ni Ate Chit, may ibinigay na sulat si Mang Ramon kay Fred.
“Nakalagay doon ‘I will never forget you. You saved my life,’ parang ganu’n. Ipina-frame pa namin ‘yun. Kaya lang nu’ng nagka-Ondoy, alam mo na, nawala lahat ‘yun, eh,” kuwento sa amin ni Ate Chit habang kumakain kami sa isang table with Manay Ethel Ramos and Ador Saluta.
Imagine, sa edad na 92 ay sharp pa rin ang memory ni Mang Ramon, huh?
May movie raw na ginagawa si Mang Ramon kung saan sa isang eksena ay nakabitin siya patiwarik at sa ilalim noon ay may apoy. Bigla raw lumakas at naiba ang ihip ng hangin na saktong tatama sa katawan niya.
Mabuti na lang daw at maagap si Fred at naitulak niya ang katawan ni Mang Ramon palayo sa apoy.
Bukod kay Mang Ramon, kasabay din niyang nag-celebrate that night ang iba pang March celebrators sa pamilya na sina PBA living legend Robert Jaworski, Bacoor City Cong. Strike Revilla at Cavite Vice-Governor Jolo Revilla.
And speaking of Vice Jolo, ka-join na sa family affair nila ang bago niyang girlfriend na si Angelica Alita. Relaxed na relaxed na si Angelica na maka-bonding ang Revilla clan. At mukhang okey sila ng anak ni Vice Jolo na si Gab.
In fairness, mas maganda pala siya sa personal at matangkad. Pero hindi naman niya napag-iwanan sa height si Vice Jolo. Kering-keri niyang dalhin ang apelyido ni Vice Jolo just in case mag-decide na sila to settle down.
Among Mang Ramon’s children, naunang umalis ang susunod na mayor ng Antipolo na si Andrea ‘Andeng’ Bautista-Ynares kasama ang kanyang mister na si former Mayor Junjun Ynares and their kids.
Present din sa birthday celebration ni Mang Ramon ang panganay niyang anak na si Evelyn Jaworski at sina Bacoor Councilor Rowena Bautista Mendoza, 1 Pacman Partylist second nominee Marlon Bautista with wife Gigi dela Riva na kadarating lang from the US, at si Princess Revilla kasama ang guwapong panganay na si Anton Campo na ka-join ang girlfriend na si Georgina.
Nakausap din namin ang misis ni former Senator Bong na si Bacoor City Mayor Lani Mercado. Supposed to be, sa malaking venue gaganapin ang birthday ni Mang Ramon. Pero baka isipin daw ng iba, especially ng mga kritiko ni Bong, na gagamitin lang ang birthday celebration bilang political rally.
Oo nga naman. Well, we just wish Mang Ramon good health and long life.
Comments