top of page

Buntis na worried sa pamamaga ng kanyang mga paa at binti

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 10, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane,

Ako ay 24 years old at 6 buwang buntis sa aking unang anak. Nais kong malaman kung normal lang ba ang pamamaga o pamamanas ng mga binti at paa sa ganitong pagbubuntis? Ano ang sanhi nito, gayung hindi naman ako mahilig sa maaalat? — Norma

Sagot

Kapag namamaga ang mga tuhod at paa ng buntis, ito ay tinatawag na pamamanas o edema — ang abnormal na pagdami ng tubig sa mga tissue. Bagaman ito ay hindi pangkaraniwan, normal lamang ang pamamanas sa mga buntis. Ang mga pagbabago sa dugo bilang buntis ang dahilan kaya mas maraming tubig ang naiipon sa mga tissue.

Isa pa, ang lumalaking matris ng buntis ay mas bumibigat kaya itinutulak nito ang mga ugat pababa. Ang pressure na dala ng pagbigat ng matris ang dahilan kaya mas mabagal nang maibalik ang dugo na galing sa mga paa kaya mas maraming tubig ang naiiwan sa mga tissue.

Ang pamamanas ay kadalasang nagiging problema ng mga buntis sa pagpasok ng huling tatlong buwan ng pagbubuntis. Ito ay madalas tumatama sa mga buntis na mas malalaki ang tiyan dahil sa mas maraming amniotic fluid o kaya sa mga nagbubuntis ng higit sa isa.

Gayunman, kapag naipanganak na ang sanggol, ang pamamaga ay mabilis nang mawawala dahil ang iyong katawan ay magpapakawala ng maraming tubig. Mamamalayan mo na lamang na mas malimit ang iyong pag-ihi at pagpapawisan nang marami sa unang mga araw pagkatapos manganak.

Gayundin, kapag napansing may matindi at biglaang pamamaga sa mukha, lalo na sa mga mata, kamay, tuhod at paa. Ito ay senyales ng preeclampsia, seryoso at nakamamatay na kondisyon.

Ang preeclampsia ay nakamamatay na sakit ng mga buntis. Ang buntis na may preeclampsia ay may napakataas na presyon ng dugo sa huling yugto ng pagbubuntis kahit dati ay wala naman siyang highblood. Maaari ring kakitaan ng mataas na rami ng protina sa ihi ang mga buntis na may preeclampsia kasama na ang pamamanas o pamamaga ng mga kamay at paa.

Narito ang ilan sa mga puwedeng gawin para mabawasan ang manas na dala ng pagdadalantao:

  • Itaas ang mga paa hangga’t maaari. Mas makabubuti ang pagpatong ng mga paa sa ibabaw ng silya o mesa. Unatin ang mga paa ng madalas kapag nakaupo. Unatin ang mga paa na una ang sakong, hilutin ang mga binti, iikot ang mga tuhod at daliri ng paa.

  • Huwag umupo o tumayo nang matagal. Ang paglalakad tuwing umaga ay makatutulong upang ang dugo ay hindi maipon sa mga paa.

  • Magsuot ng komportableng sapatos na hindi makasasakit sa namamagang mga paa.

  • Huwag magsuot ng masikip na pantalon o stockings.

  • Uminom ng maraming tubig — ito ay makatutulong upang mailabas ang sobrang likido sa katawan.

  • Mag-ehersisyo, araw-araw — ang mga gawaing tulad ng paglalakad, paglangoy o pagsakay sa stationary bike at panandaliang paglubog ng katawan sa tubig ay makatutulong upang mabawasan ang pamamaga.

  • Kumain ng masusustansiya at sapat — iwasan ang pagkain ng junk foods.

  • Hanggat maaari ay iwasan ang stress at sobrang pagod — ang pama­maga ng mga paa at tuhod ay maaaring makapanghina subalit, tandaan na ang manas sa buntis ay panandalian lamang. Ito ay agad na mawawala pagka­panganak.

Gayunman, makabubuti ang regular na pagpapa-check-up sa OB-Gyne, lalo na sa inyong third trimester.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page